Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pakinabang ng MRT 7

0 84

Para sa mga regular na dumadaan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, nagsisilbi nang isang malaking puwing sa mata ang hindi pa rin matapos-tapos na konstruksiyon ng MRT-7 lalo pa’t ngayon ay mas pahirapan ang pagcommute.

Dalawang administrasyon na kasi ang nangasiwa sa proyektong ito pero ang direksiyong tinatahak ay sa papasok na administrasyon pa mapapakinabangan ng mga mananakay bunga tila usad-pagong na daloy ng trapiko sa naturang lansangan.

Kung babalikan natin, ang full-swing na construction nito ay nag-umpisa sa kalagitnaan ng termino ng namayapang si dating Pangulong Pnoy at itinuloy ng kasalukuyan at paalis nang administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinasinayaan na rin ang ilang bagon na gagamitin sa naturang ruta pero gayunpaman, sinasabing sa Disyembre pa ng kasalukuyang taon maaring maganap ang inisyal nitong paghahakot ng mga pasahero.

Kaya hanggang sa ngayon, ang impresyon ng publiko sa mga pasilidad nito ay malaking puwing lamang sa mata, walang pakinabang at kadalasan ay nagiging abala pa sa mga motorista.

Pero totoo nga bang wala pa ring pakinabang ang mga pasilidad ng MRT-7?

Kung ang kagaya ko na dating mamamahayag at halos taun taon ay personal na nanonood ng State of the Nation Address ng mga nagging presidente ng bansa, masasabi ko sigurong malaki na ang pakinabang ng mga pasilidad ng MRT-7 sa gobyerno.

Halos tapos na kasi ang konstruksiyon nito mula sa bahagi ng Tandang Sora extension hanggang sa panulukan ng IBP Batasan Road na siyang pangunahing daanan papasok ng gusali ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na pinagdadausan ng SONA.

Ang ginagawa na lamang ngayon ay ang mga istasyon pero ang pagpapader at ang kongkretong paglalatagan ng riles ay tapos na.

Sa madaling salita, ang mga natapos nang pasilidad sa naturang mga lugar ay magiging depensa na ng mga pulis laban sa mga ralyista na taun-taon ay nagtatangkang makatuntong sa bisinidad ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para sabayan at kontrahin ang mga sinasabi ng president.

Dati-rati kasi mga 40-footer na container van, police/military trucks at mga bus ang ginagawang pangharang mga awtoridad sa mga ralyista na kadalasang nagtitipon-tipon sa bahagi ng Ever Gotesco hanggang sa may panulukan ng IBP Batasan Road at kinakailangan ang matagal na preparasyon para magawa ito.

Ngayon, katulong na nila ang mga pader ng MRT-7 kaya malaking ginhawa ito para sa security cluster ng SONA.
At ano ang tawag sa pader ng MRT-7 habang di pa tumatakbo ang tren? Eh di Great Wall of SONA!

At matapos man ang proyekto, para sa akin ay mananatili pa rin itong Great Wall of SONA dahil kada huling Lunes ng Hulyo bawa’t taon, magiging papel nito ang pagdepensa sa SONA laban sa mga ralyista.

Leave A Reply

Your email address will not be published.