Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pakiramdaman sa Kongreso

0 80

Malakas ang bulong-bulungan ng mga kurimaw nating “Marites” at mga tropa niya na damay ang liderato sa Mababang Kapulungan ng Kongreso tungkol sa “banggaan” sa May 2022 elections nina Davao City Mayor Sara Duterte at Senador Bong Go.


Kahit hindi kasi magkalaban sa posisyon sina Mayor Sara at Bong Go, malinaw naman ang posisyon ng anak ni President Mayor Digong Duterte, na iba ang kaniyang kandidato sa pagkapangulo.


Tatakbong vice president si Sara sa ilalim ng Lakas-CMD, habang sa pagka-pangulo naman si Go, ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) party. At kahit sinasabi ni Go na suportado niya si Sara, si Sara naman, ang presidential aspirant na si dating Senador Bongbong Marcos ang gustong maka-loveteam sa balota.


Tanong ng kurimaw nating si “Marisol,” ‘Bakit naman nadamay ang mga kongresista?” Sagot ni “Marietta,” “Kasi, hindi rin si Go ang mamanukin ng mga lider ng Kamara.”


Heto na nga mga tropapips, kilala kasi ang lider ng Kamara na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, na malapit at kumpareng-dikit ni Mayor Sara. Ang usap-usapan nga noon ng mga tropa ni “Marites,” si Sara ang dahilan kaya natanggal sa pagka-Speaker si Rep. Alan Peter Cayetano, at naipalit si Velasco.


Habang ang sunod na mataas na opisyal sa Kamara na si Majority Leader Martin Romualdez, presidente ng Lakas-CMD na kumupkop kay Sara bilang VP.  Angat isa pang dahilan… pinsan niya si Marcos.

SM food to go Banner Ad


Kahit suportado ni Romualdez si President Mayor Digong sa pagtakbo nitong senador sa May 2022, natural na Marcos-Sara ang susuportahan niya at hindi ang gusto ng Palasyo na Go-Sara.


Samantalang duda naman ang mga kaalyado ni Go sa Kamara kung wagas at mala-Cardo as in dalisay ang pangakong Go-Sara ni Velasco, dahil nga sa deklarasyon ni Sara na si Marcos ang katambal niya sa halalan.


Kaya habang mas oras at may sesyon pa, nais ng mga solid kay Go, na kilalang pinagkakatiwalaan ni President Mayor Digong na magkaalaman na at makita ika nga ang tunay na kulay ng mga kongresista.


Kung tutuusin, hindi na maganda na magkaroon pa ng balasahan sa Kamara ngayong patapos na kung tutuusin ang Kongreso at sa susunod na taon ay kampanya na. Kaya wala na ring gagawin ang mga mambabatas sa sesyon.


Pero kung gusto ng Palasyo na magparamdam ng kapangyarihan lalo na ngayong halalan season, at hindi magamit ng mga kalaban ang resources ika nga Kongreso laban sa kanila, aba’y kailangang matiyak nila na “tao” nila ang nakaupo sa trono.


Kaya sa halip na magdudahan at magbintangan ang tropa nina Velasco at Romualdez, sabi ng tropa ni “Marites,” dapat magsanib-puwersa sila para hindi sila parehong mapatalsik sa puwesto. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.