Abante Tonite Interactive

Pakiusap sa mga magulang — alagaan ang mga anak

0 313

Hindi ko alam kung saan ako maghahagilap ng salita para ilarawan kung gaano ako kadismayado sa mga magulang na pinababayaan lang ang kanilang mga anak na gumala o tumambay sa kalsada sa disoras nang gabi.

Kamakailan lang ay nakatanggap ako ng sumbong mula sa netizens ukol sa nagaganap na rambulan ng mga menor de edad sa Delpan, Tondo na nagaganap makalipas ang hatinggabi. Bagama’t pagod ako sa maghapong trabaho nang araw na iyon––naku hindi niyo lang alam kung gaano karami ang trabaho ng isang alkalde lalupa’t ‘yung klase ng estado ng lungsod na iniwan sa atin ng nakaraang administrasyon—sorpresa kong sinugod ‘yung sinasabing lugar na pinangyayarihan ng riot.

Hindi ko alam kung tapos na o nagpahinga lang at bumubuwelo sa resbakan ang mga kabataang ini-report na nagra-riot, pero may ilan pa ring nakatambay doon na pinauwi ko, sampu ng aking mga kasamang pulis sa ilalim ng special mayor’s reaction team (SMART) na pinamumunuan ni Maj. Jhun Ibay.

Yaman din lamang at nasa kalsada na ‘ko, dumaan na rin ako sa iba’t-ibang lugar na alam kong maraming bata at ayun, ang dami kong inabutang menor de edad na nagkalat sa kalye at may mga nagso-solvent pa. Ito ‘yung pandikit na matapang ang amoy na kapag marami kang nasinghot ay parang droga na rin ang epekto sa utak.

‘Yung ilan sa mga nakalawit naming bata ay talaga namang mga bangag at amoy solvent pa. Kaya naman ako’y takang-taka at sobrang dismayado dahil naaawa ako sa mga batang ito na pinababayaan lang ng kanilang mga magulang o guardian. Hindi ko rin alam kung paano ito nakalulusot sa mga barangay chairman.

Dahil diyan ay agad kong inatasan ang Manila Department of Social Welfare na pinamumunuan ni Re Fugoso upang pangasiwaan ang mahigpit na pagpapatupad ng ‘curfew ordinance’ na nagbabawal sa kabataang may edad 18 pababa na magpakalat-kalat sa lansangan mula alas-10 nang gabi hanggang alas-4 nang susunod na araw. Siyempre pa, kasama na diyan ang pakikipag-ugnayan sa Manila Police District sa ilalim ni Gen. Vicente Danao, Jr., SMART chief Ibay at mga barangay chairman na siyang pangunahing magpapatupad ng nasabing ordinansa.

Seryoso ang gagawing pagpapatupad nito. Kukupkupin namin ang mga bata pero kakasuhan ang mga magulang na pabaya. Bukod sa multang mula P2,000 hanggang P5,000 o kulong na mula isang buwan hanggang anim na buwan depende sa edad ng batang nakuha, maaari ring sabay na ipataw ang kulong at multa.

Kaya naman sa aking panig, mahigpit akong nananawagan sa mga magulang. Hindi ko maunawaan at matanggap na may mga magulang na kayang pabayaan ang kanilang mga anak na magpakalat-kalat sa lansagan sa disoras nang gabi. Paano kayo nakakatulog nang mahimbing ng hindi kumpleto ang inyong mga anak sa loob ng bahay? Kung aso nga, hinahanap, tao pa kaya?

Muli, nakikiusap ako sa lahat ng mga magulang sa Maynila. Pagtiyagaan sana ninyong kalingain ang inyong mga anak kahit na anong hirap pa ng buhay ang inyong dinaranas.

Ako po’y isang buhay na saksi na habang may buhay ay may pag-asa. Gaya ng maraming bata na aming kinuha mula sa kalsada, laki rin ako sa hirap. Pero ako’y nagpapasalamat na hindi sumuko ang aking mga magulang sa pag-aalaga at pagpapalaki sa akin.

Noong araw, bago kumagat ang dilim, kailangan ay nasa bahay na ako at kung wala pa ako sa loob ng bahay, tiyak na hahanapin ako ng aking nanay para pauwiin na. Kahit pa hilahod kami sa buhay, hindi sumuko ang aking mga magulang sa pag-aaruga sa akin, na aking ipinagpapasalamat nang lubos sa Diyos.

Salat man kami sa pera, masasarap na pagkain at mga mamahaling materyal na bagay, busog naman ako sa pagmamahal ng magulang, pagkalinga at higit sa lahat, sa walang sawa nilang paggabay at pangangaral sa akin. Awa ng Diyos, bagamat lumaki ako sa kahirapan ay hindi ako nalihis ng landas o napasama sa kabataang gumagawa ng krimen para kumita ng mabilisang pera, na hindi pinaghirapan. Hindi rin ako nalulong sa droga o alak na kadalasang kinahuhumalingan ngayon ng kabataan na nais takasan ang kahirapan.

Kung hindi ako pinagtiyagaan ng aking mga magulang na gabayan sa araw-araw, malamang ay wala ako ngayon na naglilingkod bilang inyong alkalde. Muli, sa mga magulang, huwag sana ninyong pagsawaang alagaan ang inyong mga anak dahil kung nangyari sa akin na maabot ang mga pangarap, hindi rin ito imposibleng mangyari sa inyong mga anak.

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account—‘Isko Moreno Domagoso.’