Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PAL, CebuPac, 38 pa makunat sa P315M refund

0 372

Kabilang ang Philippine Airlines, Cebu Pacific, Air Asia, Emirates at All Nippon Airways sa top 5 ng mga kompanya ng eroplano na inaabangan ng mga travel agency na mag-refund umano ng mga binayad sa kanila.

Base sa ulat ng Philippine News Agency (PNA), nasa P315.55 milyon ang hinihintay na refund ng mga miyembro ng Philippine Travel Agencies Association (PTTA) at maaring maging mas malaki pa ito dahil halos kalahati lamang ang sumagot sa Outlook Survey na ginawa ng asosasyon.

Nanawagan si PTAA president Ritchie Tuano sa mga airline na ibigay na ang refund para sa mga flight na kinansela simula Marso nang pinagbawalan sila ng pamahalaang bumiyahe para hindi kumalat ang COVID-19 sa bansa. Bukod sa top 5, may 35 airline pa umano na dapat mag-refund sa mga travel agency.

Kasabay nito, nanawagan din si Tuano sa pag-unawa ng mga pasaherong naghihintay din ng kanilang mga refund mula sa mga travel agency.

Sabi ni Tuano, kahit pa nailagay na sa Category III status ang sektor ng turismo at makakatanggap na sila ng mga pasahero at guest, alangan pa ring magbukas ang ilan lalo na’t walang pang katiyakan kung mababawi nila ang kanilang gastos kapag sila’y muling magbukas dahil hindi pa rin kampanteng bumiyahe at mamasyal ang mga tao.

Dahil tatlo sa top 5 na airline ay domestic ang karamihang biyahe at limitado pa rin ang lipad ng mga ito, pinag-iisipan pa ng mga travel agency ang kanilang muling pagbubukas dahil mahalagang may kakayanan sila para makabalik sa normal ang operasyon.

Dagdag pa ni Tuano, paunti-unti pa lang ang dating ng mga refund mula sa mga airline kaya’t kailangan silang i-pressure ng PTAA para naman ma-refund din ng mga travel ang kanilang mga kliyente. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.