Abante Tonite Interactive

PAL, CebuPac manhid sa mga stranded na pasahero — Roque

By ,
607

Kinastigo ng Malacañang ang Philippine Airlines, Cebu Pacific at iba pang airline dahil sa tila pagiging manhid­ nila sa pagdurusa ng mga pasahero na pinaghintay ng mahabang oras sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago sabihan na kanselado ang kanilang flight.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang pag-aalinlangan at pagiging manhid ng mga opisyal ng PAL, CebuPac at iba pang airline ay nakadagdag sa problema­ sa NAIA matapos ang pagsadsad ng Xiamen­ Air sa runway noong Huwebes nang gabi na nagresulta ng kanselasyon­ ng higit isang daang flight.

“We should look into contingencies. Kasi parang kaya naman nagkagulo, ang daming flights na dapat siguro kinansela na pero pinaaantay pa rin iyong mga pasahero,”diin ni Roque.

“Kung talagang may mga delays, eh dapat siguro the airlines and the airport authorities should already decide to cancel flights nang hindi na mag-ipun-ipon iyong tao sa airport. Iyon lang po ang naisip ko diyan,”dagdag pa ng opisyal.

Si Roque ay kabilang sa ilang libong pasaherong nabiktima ng flight delay. Napilitan umano siyang matulog sa sahig ng Davao International Airport Terminal, kasama ang maraming pasahero na naghihintay din ng kanilang flight.

“Like iyong flight ko, siguro hindi na kami dapat naghintay ng seven hours, dapat iyon kinansel na nila para nakabalik ako kay Presidente. Nakikain ako kung saan man si Presidente at nakapagsaya pa ako, nagkaroon ng happy Friday. Pero wala, I was just waiting,” himutok pa ni Roque.

Kaugnay nito, nakatakda namang ipatawag ni Senador Grace Poe ang mga opisyal ng PAL, CebuPac, Xiamen Air at iba pang airlines sa isang hearing ng Se­nate Committee on Public Services sa Agosto 29.

Diin ni Poe, chair ng komite, dapat papanagutin at pagbayarin ang Xiamen Air sa nangya­ring aberya sa NAIA.

Ang PAL ay pagmamay-ari ng bilyonaryong negosyanteng si Lucio Tan, habang ang CebuPac ay pinapatakbo ng anak ni John Gokongwei na si Lance.