Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PAL-Lucio Tan makunat sa refund

0 210

Nagrereklamo na ang mga pasahero laban sa Philippine Airlines (PAL) dahil sa usapin ng refund para sa mga kinansela nitong flight.

Ayon sa PAL, limang buwan ang proseso ng refund sa mga pasahero kung credit card ang ginamit nilang pambayad sa kanilang mga ticket.

Sa social media nag-post ng kanilang mga reklamo ang ilan sa mga pasahero hinggil sa isyu ng refund.

Reklamo ni Miss D@MissD03826061 nooong August 2, limang buwan na siyang naghihintay para sa refund at hindi man lang nakikipag-ugnayan sa kanya ang PAL.

Nabigay na umano niya sa PAL lahat ng hiningi nito sa kanya at isasara na niya dapat ang credit card na ginamit pambili ng ticker subalit hindi magawa dahil hinihintay pang ibalik sa account ang refund. Kapag pinalitan niya kasi ang account sa PAL baka paghintayin na naman siya ng limang buwan pa uli.

“I wanted to close this credit card account months ago but am waiting for this refund. Based on how long it takes you to NOT do a simple refund, I won’t be resetting the process by asking you to send money elsewhere,” tweet ni Miss D noong August 11.

Ramdam na ramdam ni Miss D na inuupuan ng PAL ang kanyang refund dahil nag-tweet siya noong August 21 na wala pa ring sagot ang PAL sa tanong niya tungkol sa refund.

Kahapon, muling nag-tweet si Miss D dahil pinapa-direct message siya ng PAL kahit na naka-disable ang messaging sa official twitter account ng PAL sa @flyPal.

“As everyone has told you before…we can’t DM you. You need to DM me- and since you have all my refund details & ticket numbers you already have my email address. Stop stalling,” tweet ni Miss D.

Reklamo rin ni Reb Mann @Rebmann4 na hindi siya maka-direct message sa PAL. Nagbayad siya ng cash at 90 araw dapat binabalik ang refund pero hanggang August 22, wala pa rin siyang natatanggap mula sa kompanya ni Lucio Tan.

“@flyPal my refund was due after 90 days and been well over 100 now please can you look into this for me!” tweet ni Reb Mann @Rebmann4.

Hiningi ng Abante ang panig ng PAL sa isyu ng refund ngunit hindi nagbigay ng pahayag ang spokesperson nitong si Cielo Villaluna. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.