Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PAL-Lucio Tan utang lumobo sa P44B

0 374

Umabot sa P44.3 bilyon ang utang ng Philippine Airline (PAL) Holdings Inc. ng negosyanteng si Lucio Tan, noong katapusan ng Setyembre, bukod pa ito sa obligasyon ng kompanya na P165.4 bilyon para sa renta sa 85 na eroplano sa fleet nito.

Ayon sa disclosure ng PAL Holdings sa Philippine Stock Exchange, may P11.5 bilyong utang o notes payable noong katapusan ng Setyembre kasama na ang mga short term na utang sa local banks na mga walang collateral. Bukod dito, may long term debt pa ito na P32.8 bilyon.

Kung isasama ang mga lease liability kung saan napapaloob ang babayaran para sa upa ng mga eroplano, nasa P153.3 bilyon ang long term obligation ng kompanya.

Ayon sa 2019 annual report ng PAL Holdings, may pinagkakautangan ito na foreign bank na $686 milyon o P33.33 bilyon. Unang inutangan ng PAL ang foreign bank noong Agosto 2015 ng $325 milyon o P15.3 bilyon.

Muling inutangan ng PAL ang bangko ng $260 milyon o P13 bilyon noong Setyembre 2017. Disyembre 2019 naman nang umutang uli ito sa foreign bank ng $100 milyon o P5 bilyon at pina-extend ang maturity ng mga utang nito sa Pebrero 2026.

Ang mga utang sa hindi tinukoy na foreign bank ay secured ng mga kikitain ng PAL mula sa mga passenger sales sa Estados Unidos. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.