Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palagi na lang batikusan, Sa halip na magtulungan

0 541

Parang humihila ng barko sa lupa ang ating pamahalaan sa tuwing may mga sistema na nais nilang ipatupad partikular sa kaso ng COVID-19 na patuloy ang pagtaas ng bilang nahahawa at nasasawi.

Matapos ang mga pagpupulong at pag-aaral ng mga eksperto sa ating bansa ay naisip nilang ipatupad ang Oplan Kalinga o ang iba ay tinawag itong COVID Tokhang ng PNP dahil sa magsasagawa sila ng pagbabahay-bahay para suyurin ang mga nahawa na sa virus na ito.

Sa unang araw na pumutok ang balitang ito ay humantong na agad ito sa batikusan at pagbibigay ng mga komentong puro negatibo na naglagay sa ilan nating kababayan na mahintakutan lalo pa at iniuugnay ang katagang Tokhang sa mga nasawi dahil nanlaban umano.

Sa puntong ito ay pansamantalang naantala ang bagong sistemang ito dahil sa kinailangan pa nilang mag-aksaya ng panahon para paulit-ulit na ipaliwanag na ang kanilang layunin ay iligtas ang mga nahawa nating kababayan.

Wala naman umanong ibang magiging papel ang mga kaanib ng Philippine National Police (PNP) maliban sa panatilihin ang kapayapaan at ang mga health official mula sa Local Government Unit (LGU) ang mangunguna sa pagbabahay-bahay.

Nagsanga-sanga agad ang mga paliwanag hinggil sa bagong planong ito ng pamahalaan na sa loob lamang ng isang oras ay naabot na nito ang lebel na isa na itong kontrabersiya sa halip na makatulong para ibsan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ang hindi maganda ay nagmistula itong materyales para magkaroon ng pagkakataon ang mga taong tutol sa pamahalan na gamitin ito para bumatikos at isinaisantabi na ang tunay na layunin para maipatupad ito.

Hindi ba maganda na puntahan na mismo ng ating mga health worker ang mga kababayan nating pinaghihinalaang nahawa na sa COVID-19 o tukoy ng maysakit para mailigtas at hindi na makahawa pa.

Pinapayagan namang mag-home quarantine ang ilang may kapasidad na gawin ito, tulad ng mga may sariing silid na may sariling banyo at walang kahalubilong puwedeng mahawa.

Pero ang mga positibo na walang lugar at halu-halo sila sa loob ng bahay ay hihikayatin itong madala sa quarantine site upang maibigyan ng atensiyong medikal at hindi na makapanghawa pa.

Kaya makabubuting makipagtulungan na lamang ang ating mga kababayan dahil para naman ito sa kanilang kaligtasan at makaaasa silang hindi malalabag ang kanilang karapatang pantao gaya ng mga pahayag ng mga tutol sa palakad ng pamahalaan.

Alalahanin natin na magandang tugon ito ng pamahalaan hinggil sa puna ng World Health Organization (WHO) na kaya mabilis ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa dahil sa mahina ang ating contact tracing.

Kaya nga pinalakas na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang grupo na binuo para magsagawa ng contact tracing para makatulong sa dinaranas nating hirap sa pandemyang ito.

Sa ilan nating kababayan, huwag na sana nating pahirapin pa ang sitwasyon dahil sa nais lang nating bumatikos, kung wala rin lang tayong maitutulong sa problemang ating kinakaharap ay mas mabuting magbigay na lamang tayo ng pagkakataon.

Sakaling hindi maging matagumpay ang mga hakbanging ipinapatupad ng pamahalaan ay dapat pa rin tayong magpasalamat dahil palagi silang nakasuporta sa lahat ng ating pangangailangan at huwag tayo puro batikos lang nang batikos dahil gusto lang nating bumatikos!

Leave A Reply

Your email address will not be published.