Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo: 500K AstraZeneca hahabol sa China bakuna

0 101

Nakatakdang dumating sa bansa ngayong Lunes, Marso 1, ang mahigit 500,000 dose ng bakuna mula sa British-Swedish pharmaceutical company na AstraZeneca, ayon sa Malacañang.

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Sabado na bahagi ito ng makukuhang suplay mula sa COVAX facility ng World Health Organization (WHO).

Aniya, mayroong inaasahang 5.2 hanggang 9.2 milyong bakunang gawa ng AstraZeneca na matatanggap ang gobyerno mula sa COVAX facility.

“We are pleased to inform that the Philippines will receive 525,600 doses of AstraZeneca vaccines on Monday, March 1, 2021 as part of allocated doses from the COVAX facility,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na ang darating na bakuna ay agad na gagamitin sa 20% ng populasyon sa Pilipinas.

Ani Roque, napabilis ang pagdating ng AstraZeneca bakuna sa bansa dahil na rin sa tulong ni British Ambassador to the Philippines Daniel Pruce.

SM food to go Banner Ad

Palasyo excited sa Sinovac

Nasasabik na ang Malacañang sa pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccine sa bansa.

“Excited na kami dahil bukas ay darating na po bakuna. Personal na sasalubong ang ating Presidente kasama ang mga miyembro ng gabinete sa pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines na galing China,” ani Roque.

Nasa 600,000 bakuna ang inaasahang darating galing China at 100,000 umano rito ay mapupunta sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na kabilang sa mga prayoridad maturukan ng COVID-19 vaccine.

“Ito ay mangyayari bandang alas-singko ng hapon sa araw ng Linggo at magkakaroon tayo ng espesyal na press briefing para ma-cover itong event na ito,” dagdag ni Roque.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.