Abante Tonite Interactive

Palasyo bukas sa lahat ng Pilipino – Panelo

0 233

Walang plano si Presidential Spokesman Salvador Panelo na maghigpit sa kanyang tanggapan, partikular sa mga nanghihingi ng tulong kahit pa nalagay ito sa kontrobersiya dahil sa paglapit sa kanya ng pamilya ng convicted rapist-murder na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Sinabi ni Panelo na malinaw ang utos sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte na buksan ang Malacañang para sa lahat ng Pilipino.

Wala aniyang pipiliin sa mga dapat tulungan dahil kabilin-bilinan ng Pangulo na tulungan ang lahat ng klaseng tao.

“Ang gusto ni Presidente buksan ang Malacañang sa lahat. Wala tayong pipiliin, lalo na doon sa mga hikahos, lahat ng mga hihingi ng tulong, tulungan natin,” ani Panelo.

Hindi lamang aniya problemang legal ang idinudulog sa kanyang tanggapan sa Malacañang kundi lahat ng uri ng pangangailangan, suliranin sa pamilya, pambili ng gamot at pampaospital, pati mga gustong umutang.

“Maraming dumarating sa akin na sulat nanghihingi ng pambili ng gamot, pang-ospital; umuutang pa nga, kung puwede raw umutang. Nire-refer ko sa GSIS, sa SSS, pati pamasahe pauwi sa mga lalawigan,” dagdag ni Panelo.

Kapag naman aniya kailangan ang abogado ay nire-refer niya ito sa Public Attorney’s Office (PAO) o kaya sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Sinabi pa ni Panelo na pati away ng mag-asawa ay idinudulog sa kanyang tanggapan kaya walang magaganap na pagbabago sa pagtanggap ng mga sulat at mga manghihingi ng tulong sa kanya. (Aileen Taliping)