Abante Tonite Interactive

Palasyo ‘di makikialam sa bagong House leader

271

Hindi makikialam ang Malacañang kung sino ang pipiliin ng mga kongresista na magiging susunod na lider ng Kamara sa pagbubukas ng 18th Congress.

Inihayag ito ng Malacañang kahit pa nadomina ng mga kaalyado ng administrasyon ang mga bagong uupong senador at kongresista.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi kailangang miyembro ng administration party na PDP-Laban ang magiging House Speaker.

Hindi aniya gawain ng Presidente na makialam o manghimasok sa panloob na usapin ng Kamara kaya bahala ang mga kongresista kung sino ang pipiliing susunod kay outgoing House Speaker Gloria­ Macapagal Arroyo.

“He’s not interfering with the functions of both Houses. Kasi as far as the President is concerned: Hinalal kayo diyan, alam ninyo naman iyong mga tungkulin ninyo. Tayong lahat ay mga workers of the government, dapat palagi ang lahat ng gagawin natin, pabor sa mga kababayan natin at sa ating bansa,” ani Panelo.

Hindi naman masabi ni Panelo kung nananatili pa rin ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na pinatalsik sa puwesto noong nakalipas na taon.

Matatandaang itinaon pa sa mismong State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ang pagkudeta kay Alvarez na kalaunan ay nalamang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang nag-ope­rate para maalis sa pagiging lider ng Kamara ang kongresista. (Aileen Taliping)