Abante Tonite Interactive

Palasyo dumistansiya sa resign call kay Sereno

By
3,020

Nasa pagpapasya na ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung patuloy itong magmamatigas na bumaba sa kanyang puwesto.

Inihayag ito ni ­Presidential Spokesman Harry Roque bunsod ng dumaraming pa­nawagan sa Punong ­Mahistrado na mag-resign na ito sa puwesto sa harap ng kinakaharap na impeachment complaint at ang nakahaing quo warranto ­petition sa Kataas-taa­sang Hukuman.

Sinabi ni Roque na walang magagawa ang Malacañang kung ­patuloy na magmamatigas si Sereno dahil ang Korte Suprema ay isang independent collegial body at hiwalay na ahensiya ng pamahalaan.

Wala aniyang kapangyarihan ang Ehekutibo na makialam sa mga panloob na usapin ng Hudikatura.

Pinayuhan ni Roque si Sereno na mas makabubuting timbangin ang kanyang desisyon dahil buong hudikatura ay ayaw sa kanyang pamumuno.

“The decision to resign is one to be made by the Chief Justice alone. And at most, what we are going to say is that we hope that she takes into consi­deration the sentiments of everyone, all the stakeholders. So far, her colleagues have asked her to go on indefinite leave and the lower court judges asked her to resign, we can only ask her to consider all these calls from various stakeholders within the courts itself,” ani Roque.

Kabilang sa mga nananawagan sa pagbibitiw ni Sereno ay mga court employees, Philippine Judges Association at ilan pang grupo ng mga abogado.

Patuloy na nagmamatigas si Chief Justice Sereno na huwag magbitiw sa kanyang tungkulin dahil handa niyang ipaglaban ang kalayaan ng Hudikatura at harapin ang impeachment trial sa senado.

Naniniwala naman si Akbayan Rep. Tom Villarin na may political pressure sa panawagan ng mga empleyado ng korte na magresign sa puwesto si Sereno.

“Huwag nilang gamitin ‘yung office hours para isiwalat kung ano man ‘yung kanilang mga konklusyon tungkol dito sa isyung ito,” hirit ni Villarin.

Ngunit ayon naman kay Bagong He­nerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, karapatan ng mga empleyado ng korte na ilabas ang kanilang saloobin upang maprotektahan ang Judiciary.