Abante Tonite Interactive

Palasyo dumistansya sa kaso ni Faeldon

By
5,820

Iginagalang ng Ma­lacañang ang rekomen­dasyon ng Office of the Ombudsman na kasuhan ng kriminal at administratibo si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa San­diganbayan at ilang kasamahan kaugnay sa kontrobersiyal na P6.4 bilyong puslit na shabu noong 2017.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, pagkakataon na ni Faeldon at mga da­ting kasamahan sa BOC na ibigay ang kanilang panig at idepensa ang sarili sa korte laban sa paratang na nagsabwatan umano para ma­ilabas ang container van na may kargang shabu.

“The Palace respects the recent decision of the Ombudsman recom­mending the filin­g of charges against former Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon et al.,” sabi ni Roque.

“Mr. Faeldon, et al. will now have their day in court where they can defend themselves in the upcoming preliminary investigation in connection with the incident,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan bukod kay Faeldon ay ang mga dating opisyal ng BOC na sina Milo Maestrecampo, Larri­bert Hilario at Mary Grace Tecson-Malabed.

Inirekomenda ring kasuhan ng grave misconduct ang ilan pang Customs officials na sina Joel Pinawin at Oliver Valiente.

Inabsuwelto naman ng Ombudsman dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya sina Presidential son at dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Manase­s Carpio.