Abante Tonite Interactive

Palasyo imo-monitor ABS-CBN franchise hearing ng Senado

387

Magmamasid ang Malacañang sa magi­ging takbo ng gagawing imbestigasyon ng Senado hinggil sa isyu ng ABS-CBN franchise sa Lunes, Pebrero 24.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na papanoorin nila ang gagawing pagbusisi ng mga senador sa prangkisa ng nabanggit na tv network pati na kung ano ang gustong gawin ng mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Panelo, nais din nilang malaman ang katotohanan kung nasusunod ba ng ABS-CBN ang mga nakapaloob na probisyon ng kanilang prangkisa o may nilalabag sa mga ito.

Katotohanan ang hinahanap ng publiko, pati na rin aniya si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Manonood tayo. Alam mo, sabi nga ni Presidente doon sa KBB, kahit anong gawin ninyo basta ang gusto ko lang, katotohanan – murahin ninyo ako, si­raan ninyo ako, okay lang. Kung totoo, sige gawin ninyo. Ang ayaw ko kung ang ginagawa ninyo ay puro kasinu­ngalingan eh doon tayo hindi nagkakasundo,” ani Panelo.

Hindi rin naitago ni Panelo ang pagkayamot sa naging panayam sa kanya ni Karen Davila dahil sa pilit na pag-uugnay aniya sa isyu ng freedom of the press sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN.

Iginiit ng kalihim na walang koneksiyon ang freedom of the press sa prangkisa ng ABS-CBN na nakatakdang mapaso sa Marso 30 ngayong taon.

Hindi rin aniya si Pangulong Duterte ang dapat kalampagin at pagbuntunan ng sisi dahil ang Kongreso ang may hurisdiksiyon sa pag-iisyu ng prangkisa.(Aileen Taliping)