Abante Tonite Interactive

Palasyo kabado sa agenda ni Gloria sa 3.7T budget

By
762

Hindi natutuwa ang Malacañang sa ginawang pagharang ng Kamara, sa pa­ngunguna ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, sa cash-based 2019 proposed budget na itinutulak ng Department of Budget and Management (DBM).

Sa isang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nahihiwagaan umano ang Pangulo kung bakit hinarang ng mga kaal­yado ni Speaker Arroyo ang panukalang P3.757 tril­yong budget para sa susunod na taon, gayong walang kahirap-hirap na lumusot ang 2017 at 2018 budget noong panahon ni dating Speaker Pantaleon Alvarez.

“We are puzzled. Ano ba iyong sinabi kong word kanina? Not – well, shocked at saka curious. Ngayon po we are alarmed. Maybe we should use a more strong language,” ani Roque.

Kinansela ng Kamara ang deliberasyon sa panukalang budget matapos tutulan ang cash budget system, kung saan ang mga ahensiya ng gobyerno ay maaari lang gastusin ang kanilang budget sa loob ng isang taon pero may tatlong buwan na extension.

Ikinatuwiran ng mga kongresista na ang sistemang ito ay “not feasible, impracticable and inimical to the interests of our constituents” kung saan mas komportable umano sila sa ‘obligation-based budget system.’

“Sa kauna-unahang pagkakataon ito na iyong House po na may super majority na supposedly administration ay sila po ang humaharang sa budget. Parang nabaligtad na po, baka nga hindi na kinakailangan na magkaroon ng Minority Floor Leader dahil mukhang minority na iyong in power doon sa Kongreso ‘no.” diin ni Roque.

Matatandaan na ipinangako na ni Arroyo na walang miyembro ng Kamara na mase-zero sa budget, kaya’t agad na naghinala ang ilang senador na bubuhayin ng Speaker ang pork barrel fund ng mga kongresista na minsan nang ipinagbawal ng Supreme Court.