Abante Tonite Interactive

Palasyo kay Salceda: ₱100M kada cong klaruhin mo

308

Dapat linawin ni Albay Congressman Joey Salceda ang inihayag nitong tig-P100 milyong budget para sa proyekto ng mga kongresista na nakapaloob sa panukalang 2020 national budget.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na narinig niya sa mga interview kay Salceda na hindi pork barrel fund ang tig-P100 milyon ng mga kongresista kundi pondo ito para sa mga proyekto sa bawat distrito ng mga mambabatas.

“Tingin ko kailangan klaruhin ‘yan with Representative Joey Salceda pero I heard some of his interviews also sa media, ang sinasabi naman niya hindi naman pork ‘yan kasi those are itemized in the budget. So if it’s itemized and it’s identified, siguro sinasabi niya hindi naman maiiwasan that the representatives of Congress will appeal for budget that will benefit their districts or their sector ot their constituents,” ani Nograles.

Pero, sakaling mapatunayang pork barrel ang pondo para sa mga mambabatas na nakapaloob sa 2020 national budget, maaari aniyang gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang veto power para maalis ang pork insertion.

“Alam mo naman pag kailangan mag-veto, bini-veto ni Pangulo ‘yan. Lalo na pagtingin niya it’s unconstitutional, illegal, unlawful, then he will veto it kasi kasama ‘yan sa power of the President. Pag nakikita niya na ito ay illegal, unlawful and unconstitutional, then he will exercise it,” dagdag pa ni Nograles.

Nauna rito, sinertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent bill ang panukalang P4.1 trillion budget para sa susunod na taon upang hindi maantala ang ope­rasyon ng gobyerno at matiyak ang epektibong serbisyo para sa mga Pilipino. (Aileen Taliping)