Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo: Korapsiyon vs NFA exec bitbitin sa PACC

0 43

Pinayuhan ng Malacañang ang National Food Administration (NFA) Employees Union na idulog sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang kanilang reklamo laban sa kanilang pinuno na si Administrator Judy Carol Dansal kaugnay sa bintang na umano’y korapsiyion at pag-abuso sa kapangyarihan.

Kasunod ito ng panawagan ng NFA Employees Union kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin si Dansal dahil sa umano’y isyu ng korapsiyon, pag-abuso sa kapangyarihan, hindi pagsunod sa mga patakaran ng gobyereno at union busting.

Sinabi ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na maaaring magsumbong ang sinoman sa national public service hotline na 8888 o idulog ang reklamo sa PACC.

Hiniling ni Maximo Torda, national president ng NFA Employees Union kay Pangulong Duterte sa isang press conference noong May 5 na tuparin ang pangakong walisin ang mga tiwali sa gobyerno at isalba ang kanilang ahensiya laban sa umano’y ginagawa ni Dansal.

Sinabi ni Andanar na hindi tumitigil ang administrasyong Duterte sa adhikain na malinis ang gobyerno laban sa katiwalian at magkaroon ng pagbabago sa burukrasya.

Batay sa reklamo ng unyon laban kay Dansal, nilabag umano nito ang NFA procurement rules matapos mamili ng palay sa Region 4 kahit wala namang pangangailangan na nagresulta umano sa pagkalugi ng ahensiya.

Inakusahan din ang NFA administrator ng nepotismo dahil binigyan umano ng puwesto sa ahensiya ang kanyang manugang na babae at ina nito; pagsibak sa ilang kawani; at hindi pagbibigay umano ng economic benefits gaya ng rice subsidy at iba pang insentibo sa mga mangagagawa ng NFA.

Samantala, mariin namang itinanggi kahapon ni Dansal ang mga akusasyon laban sa kanya at iginiit sa isang press briefing na hindi siya ang nasa likod ng union-busting sa NFA.

“Ako po ang may kasalanan sa pananaw po nila, pero kami po naninindigan sa management na wala kaming kinalaman sa pagwi-withdraw ng mga members nila sapagkat sila ay nagpabaya sa kanilang obligasyon na magtingin sa welfare ng mga employees,” ani Dansal.

Sabi ni Dansal, maraming empleyado ng NFA pa nga ang natutuwa sa isinasagawang reorganisasyon ng ahensiya dahil may rasonableng promotion at compensation classification ito.

Kontra lamang aniya ang mga nag-aakusa sa kanya sa reorganisasyon na ipinatutupad ng pamunuan ng NFA. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.