Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo kumambiyo: Walang puwersahang turukan vs COVID

0 190

Handang sagutin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang reklamong isinampa laban sa kanila sa korte kaugnay sa isyu ng umano’y mandatory vaccination kontra COVID-19.

Sinabi ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na wala pa silang natatanggap na kopya ng reklamo pero kung aatasan silang sagutin ang reklamo ay susunod ang IATF sa korte.

Si Nograles din ang tagapagsalita ng IATF.

Mayroon naman aniyang proseso para sa mga ganitong reklamo kaya hihintayin nila ang kopya pati na kung ano ang magiging utos ng korte.

Sa kabila nito, hindi aniya nababahala ang IATF sa isinampang reklamo sa korte dahil wala namang nakalagay sa IATF resolution na mandatory ang pagpapabakuna laban sa COVID at lalong walang nakasaad na sisibakin sa trabaho ang mga manggagawang ayaw pabakuna.

“If indeed it is true na mayroon ngang nag-file ng petisyon in court, then I guess the sub-judice rule will apply. But sa amin naman, wala naman kaming ginawang mandatory doon ‘no. Kung titingnan natin iyong resolution na pinalabas ng IATF, there is nothing there that says it is mandatory and even the language itself is very clear ‘no. Nakalagay din doon na—in fact, nakalagay doon sa mga resolution namin na it’s not mandatory and it’s not a basis for termination as well,” dagdag ni Nograles.

Binigyang-diin ng kalihim na maingat ang IATF sa mga inilalabas na resolusyon at katunayan aniya ay mayroon silang mga abogado na kinatawan ng Department of Justice (DOJ) para masigurong maayos at walang legal issues na lulutang sa mga ipinapalabas nilang resolusyon.

Matatandaang noong nakalipas na buwan ng Nobyembre ay inanunsiyo ni dating presidential spokesperson Harry Roque na inaprubahan umano ng IATF ang ilang mga polisiya para maipaigting ang vaccination rollout sa bansa.

Kabilang umano sa bagong polisiya ay obligado nang pabakuna kontra COVID lahat ng mga manggagawa on-site at mga transport worker sa mga lugar na sapat na supply ng coronavirus vaccine simula Disyembre 1, 2021.

“In compliance with the directives of President Rodrigo Roa Duterte, the Inter-Agency Task Force approved measures to employ a whole-of-government solution to increase demand for COVID-19 vaccination,” ayon pa kay Roque.

Tiniyak naman ni Roque na hindi masisibak ang mga manggagawa na hindi pa bakunado subalit kinakailangan nilang sumailalim sa regular RT-PCR test o antigen test na sila mismo ang gagastos.

Base sa ulat, isang clerk of court sa Las Piñas City ang naghain ng reklamo laban sa Korte Suprema at sa IATF kaugnay sa mandatory vaccination umano ng mga onsite worker sa mga lugar na mayroong sapat na supply ng bakuna. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.