Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo: Mga gabinete haharap sa tongpats probe

0 60

Dadalo pa rin sa pagdinig ng Senado ang mga miyembro ng gabinete sa kabila ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maglalabas ito ng memorandum para pagbawalan ang kanyang mga opisyal na humarap sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.

Ipinahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng panawagan ng 13 grupo ng mga negosyante at unibersidad na ituloy ang pagkalkal sa sinasabing mga iregularidad diumano sa mga biniling medical supply ng pamahalaan mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Sinabi ni Roque na wala pang development sa inihayag ng Pangulo noong nakalipas na linggo na hindi na niya padadaluhin sa imbestigasyon ng Senado ang kanyang mga gabinete.

Pero nakausap umano ni Roque si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at sinabing dadalo pa rin ito dahil wala namang siyang itinatago kaugnay sa mga bintang sa kanya sa mga biniling medical supply para sa COVID-19.

“Wala pa po akong naririnig na bagong balita tungkol diyan [memorandum], pero ang sabi sa akin ni Secretary Duque, he does not mind going to Congress dahil wala naman siyang itinatago,” ani Roque.

Nagpapasalamat aniya ang mga miyembro ng gabinete sa malasakit ng Pangulo sa kanila, pero nais nilang patunayan sa Senado at sa publiko na wala silang itinatago at walang batayan ang bintang na napunta sa korapsiyon ang pondo ng gobyerno.

“While the cabinet officials appreciate the concern of the President, eh sila naman po for the purpose of transparency, pupunta pa rin sa senado dahil wala namang itinatago,” dagdag ni Roque.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.