Abante Tonite Interactive

Palasyo ni Prince Charles binulabog ng COVID-19

0 601

Matinding pagdurusa ang pinagdadaanan ngayon ng buong mundo dahil sa COVID-19. Sa mga kababayan nating medyo pinanghihinaan na ng kalooban ay makabubuting silipin din nila ang mga kaganapan sa iba-ibang bansa na piniling mas sentruhan ng virus.

Makatutulong ang mga ganu’ng impormasyon, maiisip natin na hindi lang naman pala ang Pilipinas ang pinahihirapan ng mapamuksang mikrobyo, maging ang mayayamang bansa rin.

Ang tinatawag na super power na Amerika ay binulabog din ng coronavirus, halos isang libong Amerikano na ang namamatay ngayon, patuloy naman ang pagtataas ng bilang ng mga positibo na sa pitong daang libo.

Laganap din ang pagkalat ng virus sa United Kingdom, kahit ang miyembro ng Buckingham Palace na si Prince Charles ay hindi nakaligtas, positibo rin ito sa COVID-19.

Pero pinakamasaklap ang kaganapan sa Italya, araw-araw ay padagdag nang padagdag ang bilang ng mga namamatay sa kanilang bansa, nakalulungkot isipin na sa malalayong lugar sa sentro ng Italya ay basta na lang nalilipol ang kanilang mga mamamayan.

Ganu’n din sa Spain, parang ghost town na ang maraming bahagi ng bansa sa kawalan ng mga tao sa labas, pero sa halip na mabawasan ay lalo pang dumarami ang bilang ng mga maysakit na Espanyol.

Ayon sa pahayag ng isang espesyalistang kinapanayam ng CNN ay puro matatanda ang bilang ng mga sumusuko sa COVID-19. Mga dati nang maysakit, sitenta pataas ang edad, dahil mas madali silang kapitan ng virus sa kahinaan na ng kanilang resitensiya.

Cogie buryong na sa bahay

Totoong nakalulungkot ang pinagdadaanan natin ngayon. Hindi gaanong problemado ang mga bukod na pinagpala, ang tunay na nababagabag ngayon para sa kanilang kinabukasan ay ang mga kababayan nating manggagawang pinagbawalan nang lumabas ng kani-kanilang bahay, paano na nga naman ang mga pangangailangan nila sa araw-araw?

Ang mayayaman ay may bulsang paghuhugutan ng panggastos habang nakapailalim tayo sa enhanced community quarantine.

Maraming taon mang tumagal ang lockdown ay makatutulog pa rin sila nang mahimbing, ang mga walang-wala ang hindi dadalawin ng antok, mahirap matulog kapag tayo’y gutom.

Pero hindi lang naman tayo ang dumadaan sa ganitong krisis, pangdaigdigan ang mapamuksang COVID-19, kaligtasan natin ang nakasalalay sa mga alituntuning pinaiiral ng DOH at ng ating pamahalaan kaya wala tayong ibang pamimilian kundi ang sumunod na lang.

Panay-panay ang pangungumusta sa amin ni Cogie Domingo, ang mahal naming anak-anakan na hindi aburido ngayon sa lockdown dahil mayaman ang kanilang pamilya, buryong na buryong na siya sa loob ng kanilang bahay ngayon dahil hindi siya makapagmotorsiklo.

“Ayoko pong lumabas, ito na lang ang maitutulong ko, ang sarap nga pong magmotor ngayon dahil napakaluwag ng mga kalye, pero hindi ko po ginagawa.

“Dito man lang sa pamamalagi ko sa bahay, e, maisip kong mabait na Pinoy ako. Kailangan kong sumunod, house arrest lang ako, napanood ko na po yata ang lahat ng mga pelikula,” sabi ni Cogie.

Pakikiramay sa pamilya ni Ruby

Ang taos-puso po naming pakikiramay sa pamilya ni Ruby Rodriguez dahil sa pagpanaw ng kapatid niyang pediatrician na si Manang Sally.

Matagal ding nakipaglaban sa virus ang kanyang kapatid, tinututukan naman ngayon ang kundisyon ng neurologist niyang bayaw, hindi biro ang pinagdadaanan ng pamilya Rodriguez ngayon.

Muli, ang aming pakikiramay, ang pakikidalamhati namin sa kanilang buong pamilya.