Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo sa DOJ: `Pastillas’ Gang sibakin na!

0 95

Hindi naabisuhan si Pangulong Rodrigo Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) tungkol sa status ng 43 opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na isinangkot sa `pastillas’ scam, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Sinabi ito ni Roque matapos ang pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na tapos na ang anim na buwang suspensiyon sa 43 opisyal at tauhan ng BI kaya balik-trabaho na ang mga ito kahit may kinakaharap na mga kasong kriminal at administratibo dahil sa `pastillas’ scam.

“Hindi po siguro alam ni Presidente hindi pa sila nasisisante. Alam lang niya nasuspinde. Pero siguro po ang epekto ng kanyang mga binitawang salita, iyan po ay mandato sa DOJ, sa CID, gawin lahat para masisante `yan sa lalong mabilis na panahon,” ani Roque.

Batid aniya ng publiko na galit ang Pangulo sa mga kurakot sa gobyerno at talagang kakalusin nito ang mga mapapatunayang gumagawa ng katiwalian.

“Hindi po katanggap-tanggap ‘yung ginawa nilang pastillas scheme. Kinakailangan po talaga sibakin sila,” dagdag ni Roque.

Ang `pastillas’ scam ay operasyon umano ng ilang opisyal at mga tauhan ng BI sa mga paliparan kung saan pinalulusot ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga dayuhan partikular mga Chinese national kapalit ang malaking halaga na binilot sa papel na parang pastillas para hindi halata. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.