Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo sa mga kritiko: Tumulong na lang kayo

0 269

Hinimok ng Malacañang lahat ng sektor na magkaisa at tulungan na lamang ang pamahalaan sa pagtugon sa pandemyang hatid ng COVID-19.

Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa harap ng mga pambabatikos sa gobyerno hinggil sa pagtugon nito sa krisis.

“Critics and the detractors of the administration have always something to say,” ayon pa kay Roque.

Sinabi ni Roque na mismong si World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe ay nagpahayag na hindi lang sa Pilipinas nagkaroon ng COVID-19 surge kundi maging sa ibang bansa rin.

Binanggit din ni Abeyasinghe ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa COVID-19 testing naman, sabi ni Roque ay pangatlo ang Pilipinas kasunod ng India at China sa isinagawang test per million population.

Pinalakas na rin aniya ang contact tracing para matunton ang mga nakakasalamuha ng mga pasyenteng nagpositibo sa virus kung saan ay pinahusay pa ang sistema ng Staysafe.PH. Dinagdagan din umano ng 27,672 ang mga contact tracer sa NCR Plus.

Sa isolation naman ay patuloy ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtatayo ng mga pasilidad at mobile hospital para madagdagan ang mga quarantine facility. Kabilang dito ang bagong 110-bed capacity field hospital sa Quezon Institute at ang 300-bed capacity para sa Temporary Treatment and Monitoring Facility sa The Manila Times College-Subic campus.

Itinayo rin aniya noong nakaraang taon ang One Hospital Command para mapagsilbihan pang mabuti ang mga pasyente na kailangang ipasok sa ospital.

Ayon kay Roque, na nasa 136 healthcare worker mula sa Visayas at Mindanao ang pinadala sa iba’t ibang pasilidad sa Metro Manila para makatulong sa medical workforce sa National Capital Reigon.

Dagdag pa ng kalihi, naabot na ang 1 million mark para sa mga nabigyan ng bakuna laban sa COVID-19. (Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.