Abante Tonite Interactive

Palasyo sa mga LGU: Tulungan niyo lahat

357

Huwag haluan ng politika ang pamamahagi ng tulong sa mga mamamayan gaya ng paglalagay ng pangalan o larawan ng mga halal na opisyal sa mga food pack na galing sa national government.

Ito ang pinaalala ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo dahil sa posibilidad na magpasikat ang mga gobernador, alkalde at mga opsyal ng barangay sa ipapamudmod na tulong sa mga naapektuhan ng lockdown dahil sa coronavirus disease 2019.

Ayon kay Panelo, malinaw ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mensahe nito sa sambayanang Pilipino Lunes ng gabi, na walang politika sa ipamamahaging tulong sa mga pnakamahihirap na Pilipino.

“Dapat wala ng pangalan. Ang alam ng lahat galing sa gobyerno. Kaya nga sinabi ni Presidente, walang poli-politika diyan eh,” ani Panelo.

Nilinaw din ni Panelo na dapat lahat ay makakatanggap ng tulong kahit ang mga nangungupahan lamang dahil iyon ang gusto ng Pangulo.

“Lahat ay tatanggap, wala tayong i-exempt diyan, kailangan lahat ng mga residente or household kailangan mabigyan,” dagdag ni Panelo.

Nauna rito may mga nagrereklamo na ilang mga residente dahil pinipili lamang umano ng barangay ang binibigyan ng pagkain at hindi kasama sa mga nakatanggap ng rasyon ang mga nangungupahan sa isang bahay.(Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad