Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palasyo tinapyasan tax ng imported baboy

0 199

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansamantalang pagtapyas sa buwis ng mga imported na karne ng baboy.

Batay sa Executive Order No. 128 na pinirmahan ng Pangulo nitong Abril 7, 2021, binigyang-diin nito ang pangangailangang maibaba pansamantala ang buwis sa imported na karne ng baboy dahil sa naging epekto ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Alinsunod sa EO, mula sa dating 30% in-quota tariff ay tatapyasan ito ng 5% sa unang tatlong buwan, habang 10% naman simula sa ika-apat na buwan hanggang sa ika-12 buwan at makalipas ang isang taon ay ibabalik sa 30% na taripa.

Ang out-quota tariff naman na nasa orohinal na 40% ay gagawin na lamang 15% sa unang tatlong buwan habang 20% sa ika-apat na buwan hanggang sa ika-12 buwan at ibabalik sa 40% tariff pagkalipas ng isang taon.

Sinabi ng Pangulo sa EO na bibilang ng panahon bago makabawi at magkaroon ng sapat na suplay at produksiyon ng karne ng baboy sa bansa kaya kailangang matugunan ang pangangailan dito ng publiko.

Ito aniya ang dahilan kaya kailangang maibaba ang taripa sa mga inaangkat na karne ng baboy para maiwasan ang inflation at mabawasan ang hirap sa pagba-budget ng mga consumer na mahilig sa karne ng baboy.(Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.