Abante Tonite Interactive

Palasyo umaasang babalik si Joma sa peace talks

245

Umaasa ang Malacañang na ikukunsidera ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria ‘Joma’ Sison ang mungkahi ng gobyerno para sa muling pagbubukas ng peace talks tungo sa hina­hangad na kapayapaan sa bansa.

Sinabi ito ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar makaraang ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na inatasan niya si Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na magtu­ngo sa The Netherlands para kausapin si Sison hinggil sa posibleng pagbubukas muli ng peace talks.

Sinabi ni Andanar na walang hangad ang administrasyong Duterte kundi ang matuldukan na ang ilang dekadang problema sa insureksiyon.

Matatandaang nati­gil ang peace talks sa kilusang komunista noong 2017 matapos na hindi magkasunod ang negotiating panel ng magkabilang panig sa mga hinihi­nging kondisyon ng kampo ni Sison.

Sinabi ni Andanar na ipagpapa­tuloy ng gobyerno ang mga inilunsad na hakbang para maabot ang hinahangad na kapayapaan sa bansa sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. (Aileen Taliping)