Abante Tonite Interactive

Palawigin ang enhanced community quarantine

763

Labing-walong araw sapol nang ilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Luzon sa enhanced community quarantine, nakapagtala na ng mahigit 3,000 kaso ng coronavirus disease o COVID-19.

Ang nakakalungkot, 136 na ang kabuuang namatay habang 52 naman ang nakarekober.

Halos tatlong linggo pa lang ito at inaasahang aakyat pa ang bilang ng mga bagong kaso sa mga susunod ng linggo. Hindi man natin gustuhin iyan pero posibleng mangyari at iyan ang forecast ng ilan.

Hindi ba’t nagbabala na nga ang bilyonaryong si Jaime Augusto Zobel de Ayala na posibleng may ilalala pa ang COVID-19 pandemic sa ating bansa.

Sa datos ng Ayala Group, sinabi ni Ayala na maaring mag-peak ang nararanasang COVID-19 outbreak sa kalagitaan ng Mayo hanggang mid-June ng taong ito. Lagpas dalawang buwan pa kung tutuusin.

Sana naman mali ang forecast ng mga scientist ni Ayala. Sa period na iyan umaasa tayong magkakaroon na ng gamot para mapagaling na ang libong kababayan na nagdurusa sa virus na ito.

Dahil magpapatupad ng mass testing simula Abril 14, tiyak na posibleng umabot ang kaso sa 5,000 hanggang 10,000 batay sa pagtataya ni Secretary Carlito Galvez, ang chief implementer ng National Action Plan (NAP) against COVID-19.

Kung mangyari `yan, lalong bibigat ang suliranin ng ating gobyerno partikular ang pagpapakain sa mahihirap na pamilyang Pinoy na numero unong naapektuhan ng pagtama ng pandemic na ito.

Bagama’t may emergency subsidy na ipapamahagi ang pamahalaan para sa ating mga kababayan, P5,000 hanggang P8,000 sa loob na dalawang buwan, sa tingin ko hindi ito sasapat. Kulang na kulang para sa kanila ito.

Sa Abril 13 naman magtatapos ang Luzon-wide enhanced community quarantine kaya ang tanong ng ilan, posible ba itong ma-extend o kailangan itigil na ng gobyerno?

Tulad ng panukala ng ilan, pabor ako na palawigin ang enhanced community quarantine na ito dahil sa ngayon kasi hindi pa natin nakikita ang tunay na istastisika ng pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa.

Nakita naman natin kung ganano ka-epektibo ang enhanced community quarantine na ito. Kung wala ito, malamang hindi lang ganyan ang naitalang kaso ng virus.

Para sa akin masyado pang maaga para alisin ang enhanced community quarantine dahil hindi pa nga natin nakikita ang kabuuhang bilang ng kaso sa buong bansa lalo na’t magsisimula pa lang sa Abril 15 ang mass testing.

Sa tingin ko, palalawigin ito ng dalawa linggo hanggang isang buwan pero depende iyan sa magiging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) kay Pangulong Duterte.

Sakaling palawigin man ng gobyerno ang enhanced community quarantine, kailangan nilang siguruhing may sapat na suplay na pagkain para sa ating lahat gayundin ang iba pang pangangailangan at serbisyo.

Sabi nga nila hangga’t hindi pa tapos ang coronavirus outbreak dapat ituloy pa rin ang enhanced community quarantine. Iyon nga lang apektado ang kumakalam na sikmura ng taumbayan kung palalawigin ito.

Siyempre hindi naman sapat ang ayuda na ibinibigay ng pamahalaan sa mga ordinaryong mamamayan. Sa pagkain pa lang kulang na, paano naman ang mga obligasyon sa mga bayarin at iba pa? Iyan ang malaking katanungan.

Tonite – Wendys Inhouse Ad