Abante Tonite Interactive

Palay sasadsad sa pagbaha ng NFA rice

320

Nagbabala ang isang grupo ng mga magsasaka laban sa utos ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar sa National Food Authority (NFA) na ibenta lahat ng 3.6 milyong kabang bigas na hawak nito bago ang Oktubre 10.

Ayon kay Federation of Free Farmers (FFF) national manager Raul Montemayor, maaaring palalain lang nito ang sitwasyon sa merkado na lalo lamang ikalu­lugi ng mga magsasaka.

Noong Huwebes ay inatasan ni Dar ang NHA na ibaba ang presyo ng bigas sa P27 kada kilo sa pamamagitan ng pagpapabaha ng 3.6 milyong kabang bigas sa mga palengke sa Metro Manila.

Inatasan din ni Dar ang NHA na dagdagan ang palay support price na mula sa P17 kada kilo ay gawing P19.

Ayon kay Montema­yor, maganda man aniya ang adhikain ng kautusan ni Dar, masama naman ang maaaring kahinatnan nito dahil lalo lang babagsak ang presyo ng palay.

“First of all, there is already a big glut in the market because of the large volume of cheap rice imported by private traders. This glut is the main reason why palay prices are goin­g down. Flooding the market with NFA rice will just worsen the glut,” paliwanag ni Montemayor.

Dagdag pa ng FFF, mali ang ‘timing’ ng pagbebenta ng NFA ng bagsak presyo dahil malapit na ang ani­han. Ang mangyayari kasi, makikipaglaban ang NFA sa ibebenta ng mga magsasasaka na hindi naman ka­yang tapatan ang bagsak presyo nito kaya malaki ang posibilidad na malulugi sila.

Aniya, hindi kayang bilhin ng NFA lahat ng palay ng mga magsasaka kaya’t mga private tra­der pa rin ang bibili nito at lalo lang silang babaratin dahil marami na nga ang suplay ng bigas sa merkado.

Dagdag pa ng FFF, wala ring garantiya na babagsak ang presyo ng bigas sa merkado kapag binuhusan ito ng NFA rice.

(Eileen Mencias)