Abante Tonite Interactive

Palit pangalan ng Compostela Valley sa Dec. 7

147

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na bantayan ang plebisito para sa pagpapalit ng pangalan ng Compostela Valley na gaganapin sa Disyembre 7.

Nakasaad ito sa Memorandum Order No. 42 na pinirmahan ng Pangulo noong Nobyembre 28 kung saan kanyang binigyan ng direktiba ang AFP at PNP para makipagtulungan sa Commission on Elections (Comelec) upang matiyak na magiging maayos, payapa at tapat ang idaraos na plebisito.

Nabatid na ang idaraos na plebisito ay para pagtibayin ang Republic Act No. 11297, ang batas na nais palitan ang pangalan ng Compostela Valley na tatawagin nang Davao de Oro kapag inaprubahan ng mga mamamayan ng lalawigan.

May kapangyarihan ang Comelec, sa ilalim ng Saligang Batas, na i-deputize ang AFP at PNP sa panahon ng halalan upang siguruhing magiging malaya, maayos, tapat, at mapayapa ito. (Prince Golez)