Abante Tonite Interactive

Palit soberanya

By
195

Sa paglathala ng artikulong ito, Ilang oras nang nakalipad pauwi ng Beijing ang pinakamahalagang panauhin ng bansa sa pagtingin ng administrasyong Duterte – ang pangulo ng Tsina na si Xi Jinping.

Malinaw ang kagusutuhan ni Pangulong Duterte na hi­git na magbukas sa Tsina upang mapakinabangan ang biya­yang maaaring makuha mula sa mayamang dambuhala.

Nang bumalik si Pangulong Duterte mula sa unang bisita niya sa Tsina noong Oktubre 2016, bitbit nya ang $24 bil­yong halaga ng mga pangakong pautang at pamumuhunan na magpopondo sa programang Build, Build, Build ng kanyang administrasyon.

Ano naman ang kapalit? Maaga pa lang, naghudyat na si Pangulong Duterte na handa siyang isantabi ang panalong ligal ng Pili­pinas sa Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa 9-Dash Line claim ng Tsina (pag-aangkin ng Tsina sa halos kabuuan ng South China Sea). Sa madaling sabi, handa siyang ipagpalit ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea para sa inaasahang dalu­yong ng kapital mula sa Tsina.

Related Posts

Marami nang ipina­migay ang Malakanyang sa Tsina sa dalawang taon ni Duterte. Tinanggap nito ang paghigpit ng kontrol ng Tsina sa Panatag Shoal; paglikha ng mga artipisyal na isla sa ating karagatan; pagtayo ng mga base militar dito; paglagak ng mga anti-ship at anti-aircraft missile sa mga ito; at pagsarbey sa kailaliman ng Phi­lippine Rise. Bukod pa, tiniyak ng Malakanyang ang opisyal na paghirang bilang ikatlong telco ng Mislatel – kompanyang pag-aari ni Dennis Uy (negosyanteng malapit kay Duterte) na kasosyo ng China Telecom.

Pahiwatig ng bisita ni Xi na binuksan na ang gripo ng pautang at puhunan. Nilagdaan ni Xi ang 20 kasunduan sa pagitan ng Pi­lipinas at Tsina. Kabilang dito ang P175 bil­yong pautang para sa Manila-Bicol railway at P18.5 bilyon para sa Laiban at Kaliwa Dam, at kasunduan sa pagpapatayo ng mga dambuhalang industrial park.

Aminado ang economic managers mismo ni Pangulong Duterte na higit na mataas ang interes sa pautang ng Tsina kumpara halimbawa sa Japan (2% kumpara sa 0.2%, o 10x). Nagsisilbing babala ang karanasan ng Sri Lanka, na tumanggap ng utang at napilitang ipasakamay ng Tsina ang kanilang daungan ng Hambantota nang hindi sila makabayad. Maaa­ring mabiktima rin tayo ng tinatawag na ‘debt trap’ ng Tsina.

Sa mga darating na araw, dapat obligahin ang Malakanyang na ilantad nang buo sa publiko ang lahat ng mga kasunduang nilagdaan at ang nila­laman nito.

Isang bagay ang malinaw: Kabaligtaran ng independent foreign policy ang pagtanggap ng pautang at puhunan, kapalit ng ating soberanong karapatan.