Abante Tonite Interactive

Palit-suweldo: Mga bus hinila ng nagprotestang empleyado

229

Hinila ng mga nagprostestang mga dating empleyado ng isang bus company sa Ilocos Sur ang ilang pampasaherong bus unit bilang pambayad sa mga suweldong hindi naibigay sa kanila.

Ayon kay Times Employees Union (TEU) vice president Ronald Fariñas, hinatak nila ang ilang bus unit ng Dominion Bus Line na dating Times Transit Transportation Corporation sa bisa ng desisyon mula sa Department of Labor and Employment National Labor Relations Commission (DOLE-NLRC) ng National Capital Region (NCR).

Sa desisyon ng DOLE-NLRC o writ of execution, nakasaad na maaring kunin ng mga miyembro ng nasabing unyon ang mga ari-arian ng kompanya upang mabayaran ang back wages nila mula 2011 hanggang 2017 na umabot sa higit na P44 milyon.

Sinabi ni Fariñas, idadaan umano nila sa public auction ang mga hinatak nilang bus unit kung saan ang mapagbebentahan sa mga ito ay paghahatian ng mga miyembro ng kanilang unyon. (Allan Bergonia)