Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palitan ng pera isa sa sanhi ng pagkalat ng COVID

0 370

LUMALABAS sa pag-aaral ng OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) na ang palitan ng pera ng ating mga kababayan ang isa sa nakikitang posibleng dahilan nang patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Ito ay dahil sa bawat galaw ng ating mga kababayan ay kailangang magbayad o tumanggap ng bayad o sukli sa lahat ng mga transaksiyones sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Mas madalas na tumatanggap ng bayad ang mga tindera sa mga pamilihan mula sa iba’t-ibang mamimili at ang tinanggap nilang pera ay siya rin nilang gagamiting panukli sa iba namang mamimili.

At hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ang pera ang isa pinakamaruming bagay na ating hinahawakan araw-araw at ito ay lumabas na sa maraming pag-aaral kahit noong walang pandemya sa buong mundo.

Bago pa lumabas ang pag-aaral na ito ay marami sa ating mga kababayan ang dini-disinfect na ang nahahawakan nilang pera gamit ang alcohol dahil sa takot na dito magmula ang pagkakahawa nila sa COVID-19.

Dahil sa ganitong sistema ay nanawagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi tamang nababasa ng alcohol ang perang papel na ating ginagamit dahil sa nababawasan umano ang kalidad ng kulay ng gamit nating salapi.

Ang mga dating binabasa ang pera gamit ang pang-spray ay nagsisunuran naman sa panawagan ng BSP hanggang sa lumabas nga itong pag-aaral ng UP na malaki ang posibilidad na isa ang pera sa posibleng dahilan nang pagkalat ng virus.

Sa puntong ito ay medyo nagkaroon ng kalituhan sa panig ng marami sa ating mga kababayan at hindi na alam kung sino ang dapat na sundin kaya makabubuting dapat na maglabas ng panuntunan o sistema kung paano dapat linisin ang hawak na pera.

Pero kung hindi talaga dapat na binabasa ng alcohol ang pera ay makabubuting magdala na lamang ng bukod na lalagyan ng pera at habang namimili ay tiyaking huwag na huwag talagang hahawak sa mukha upang maiwasang mahawa sa COVID-19.

At pagkatapos mamili ay isarang mabuti ang lagayan ng pera atsaka na lamang maghugas ng kamay o maglagay ng alcohol para makasigurong hindi tayo magapangan ng virus.

Pagdating sa bahay ay tiyaking hindi pakalat-kalat ang lalagyan ng pera upang hindi mahawakan ng mga mahal ninyo sa buhay partikular ang mga bata na mas madaling mahawa sa virus na ito.

Napakasimple ng problemang ito ngunit lumalabas din sa mga pag-aaral na madalas nating nakakalimutang humawak tayo ng pera lalo na ‘yung sa bulsa lamang inilalagay at dahil sa madalas na pagdukot ay nakakalimutan ng marami na napakarumi ng pera.

Isa rin ito sa nakikitang problema ng mga tindera sa palengke na sanay humawak ng basa at malansang pera at hindi alintana kahit namamaho na ang pera basta’t ilalagay nila ito sa lalagyan ng pera na nakasuot sa kanilang harapan.

Bago umuwi ay kanila itong bibilangin at saby-sabay na ibabayad sa paghahanguan nila ng paninda kinabukasan at ang matitira ay ibibigay nilang baon sa kanilang mga anak na hindi na naisip na posibleng mayroon na itong virus.

Alalahanin natin na kahit bumababa na ang bilang ng mga nahahawa sa araw-araw ay posible itong muling tumaas kung hindi tayo mag-iingat at para huwag masayang ang pitong buwan nating pagsasakripisyo ay mas mabuting dagdagan pa natin ang pag-iingat.

Bukod sa pagsusuot ng facemask, face shield, physical distancing at paghuhugas ng kamay ay idagdag na natin ang pag-iingat sa hinahawakan nating pera.

Leave A Reply

Your email address will not be published.