Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Palpak ang PNP

0 107

Kahit may basehan ang ginawang pag-embalsamo ng Philippine National Police (PNP) sa mga labi ng nasawing flight attendant na si Christine Dacera ay sablay pa rin ito.

Maraming dahilan ang PNP sa maagap nilang pag-embalsamo sa bangkay ni Christine.

Una na rito ay dahil namatay raw si Christine sa isang hotel na itinuturing na pasilidad na ginagamit sa quarantine. Bilang bahagi ng COVID protocol ay kagyat na isinagawa ang pag-eembalsamo.

Pero ayon kay Dr. Pedro P. Solis, ama ng Legal Medicine sa Pilipinas, ang awtopsiya ng isang bangkay ay dapat munang tapusin bago embalsamuhin sapagkat ang formalin o ano mang kemikal na gagamitin sa pag-eembalsamo ay makakasira sa kadalisayan ng dugo o ano mang tisyu ng bangkay na daraan sa toxicology analysis (mula sa pananaliksik ni dating Valenzuela Cong. Magi Gunigundo.)

Sabi rin na dapat ang bangkay na ia-awtopsiya ay gawin sa kondisyon ng ito ay matagpuan sa pinangyarihan ng krimen upang wala maiwasan ang pagdududa sa sanhi ng kamatayan.

Pero alam n’yo bang kinontra ng PNP ang opinyong ito ng ama ng legal medicine sa pamamagitan ng inilabas na PNP Investigator’s Handbook for New Normal noon Hunyo, 2020 sa kasagsagan ng pandemya kung saan ang isang bangkay ay dapat munang embalsamuhin bago dumaan sa awtopsiya.

Ang tanong anong basehan ng PNP sa desisyong ito? Papaano na ang katulad ng kaso ni Christine?

Hindi naman lahat ng krimeng nangyayari sa mga panahong ito ay may kaugnayan sa COVID, kaya kaawa-awa ang mga biktimang kuwestiyonable ang sanhi ng kamatayan.

Mga namamatay ngayong pandemya na hindi naman talaga natural death ang sanhi ng kamatayan.

Sana ay makita ng mga kinauukulan ang butas na ito na maaring maging malaking problema sa hinaharap ng mga kababayan nating naghahanap ng hustisya sa inabot na kamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.

***

Sa kabilang banda natutuwa tayo sa mga local government units na talagang naglalaan ng milyon-milyong piso para maipambili ng bakuna kontra COVID ng kanilang mga nasasakupan.

Kumbaga ay patalbugan na nga ang mga mayor sa dami ng inilalaang pondo para pambili ng bakuna upang matiyak ang kaligtasan sa nakamamatay na virus ng kanilang mga nasasakupan.

Kita ng national government ang paghahandang ginagawa ng mga LGUs kaya sana ay gamitin nila itong basehan sa pagpaplano ng kung sino-sino ang dapat bigyan pa ng bakuna maliban sa mga nasa priority list.

Bubusisin ng Senado ang plano sa vaccination ng gobyerno at hangad nating makatulong ang imbestigasyong ito para maiayos ang lahat bago pa dumating ang bakuna.

Mukhang huli na nga tayo sa pagbili ng bakuna ay huwag naman na sanang maging kulelat pa ang mga kinauukulan sa paghahanda dahil hindi na kakayanin ng taumbayan ang inyong kapalpakan sa gitna ng sangkatutak na pondong inuutang ng gobyerno para tugunan ang bakuna.

***

Paalala rin hindi porke naglaan kayo ng sangkatutak na pondo para pambili ng bakuna ay libre na kayo sa pagwaldas sa pondo sa inyong nasasakupan. Tandaan n’yo bantay sarado ngayon ang mga nasa gobyerno sa paglustay sa pondong ginagawa ng mga opisyal.

Leave A Reply

Your email address will not be published.