Abante Tonite Interactive

Palpak na forecast

By
1,276

Umaangal na ang marami sa bigat ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Pilipinas.

Maraming dahilan ang binabanggit ng ating mga opisyal. Nandiyan ang patuloy na pagbaba ng halaga ng piso, ang paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at maging ang bagong batas sa pagbubuwis, ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ilang buwan pa lamang simula nang maipatupad ang bagong batas, ramdam na raw ang epekto nito dahil bumilis ang inflation na noong June ay naitala sa 5.2%.

Pero ano ang sigaw ng mga economic ma­nager? Hindi ito epekto ng TRAIN Law.

Malaki naman ang tama ng mga ito dahil sadyang marami naman talagang hindi makokontrol na dahilan sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Pero ang higit na nakababahala ay ang palpak na forecast ng ating mga economic manager.

Hindi ba’t sa hearing sa Senado, mismong sina Senador Win Gatchalian at Bam Aquino na ang sumita sa mga economic manager kung bakit hindi nakita ng mga ito ang mataas inflation ngayong taon.

Sa pagkakatanda ko ang sabi pa nga ni Gatchalian, “Bakit hindi natin nakita ito? How come the Senate was not given full information as to the externalities that could affect inflation?”

Ibig sabihin kung naging tama ang forecast, may posibilidad na nabago ang desisyon ng ating mga mambabatas sa TRAIN?

Mukhang nakakabahala na nasa kamay tayo ng mga ganitong economic manager. Sana tulad nang sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, maging flexible sila at huwag ipagmatigasan ang kanilang paniniwala laban sa nagdudumilat na katotohanan.

Ang kailangan nga­yon, ang agarang mga hakbangin upang kahit papaano ay mabawasan ang bigat ng pasanin ng publiko subalit hindi naman isasakripisyo ang mga mabuting idudulot ng batas.

Panawagan natin sa economic team, tamang forecast at outlook ang ibigay sa pamahalaan upang agad makabuo ng mga paraan. Tandaan niyo, sa inyo nakasalalay ang buhay ng maraming Filipino!