Abante Tonite Interactive

Pamalit sa KathNiel, LizQuen, JaDine: SethDrea, KyCine umaariba

1,287

NI:VINIA VIVAR

Level-up na ang The Gold Squad loveteam na kinabibilangan nina Kyle Echarri & Francine Diaz (KyCine) at Seth Fedelin & Andrea Brillantes (SethDrea) . Mula sa hit afternoon series na Kadenang Ginto, ngayon ay mapapanood na rin ang apat na young stars sa sarili nilang digital film na mapapanood sa iWant.

Ang KyCine ang bida sa Red Silly Shoes na umiikot sa kwento ng mahiyaing si Chuck (Kyle) at Ashley (Francine) na isang simple at mabait na dalaga pero may ‘alien feet’ dahil nagpapalit-palit ang sizes ng paa niya araw-araw.

Back-to-back with Silly Red Shoes ay ang Wild Little Love na pinagbibidahan naman ng SethDrea. Kwento naman ito ng isang spoiled, rich girl na si Sam (Andrea) na nakakilala ng isang simpleng guy pero malakas ang appeal sa girls na si Jake (Seth).

Sa back-to-back mediacon ng The Gold Squad na ginanap kamakailan, thankful and grateful ang dalawang loveteam sa pagbibigay sa kanila ng ganito kalaking tiwala ng Dreamscape Digital lalo pa nga’t ito ang first anniversary offering ng iWant.

“Sobrang nakakataba po ng puso,” sey ni Francine, “ako po, bago lang naman po ako dito and nakakatuwa po kasi ‘yung mga kasama ko sa iWant movie na ‘to, ang gaan lang po nila kasama. Hindi po sila nakakatakot makatrabaho. Ang saya lang po ng set namin.”

Ayon naman kay Kyle, “happy po ako na nakasama po kami sa iWant anniversary. Kasi sa totoo lang, parang papunta na po do’n ‘yung mga movies and everything, kasi nagiging digital na po ang mga tao ngayon kaya it’s really nice to be part of something this big. As in first anniversary po talaga, nakasama pa po kaming apat. Kaya masaya po ako and very tnankful sa tiwala.

Ayon naman kay Seth, sobrang saya niya habang ginagawa ang movie at nagpasalamat sa lahat ng mga kasamahan sa movie, sa produksyon especially sa kanilang direktor.

For Andrea, aniya kahit mahirap daw minsan ang location ay worth it naman lahat ng paghihirap nila at talagang nag-enjoy rin daw siya doing the film.

Sinasabing sila na ang papalit sa mga sikat na loveteams ngayon tulad ng KathNiel (Kathryn Bernardo & Daniel Padilla), JaDine (James Reid & Nadine Lustre) ,AlDub (Alden Richards & Maine Mendoza) at LizQuen (Liza Soberano & Enrique Gil), ano ang reaksyon nila?

“Actually po, nakaka-pressure ‘yun,” natatawang sambit ni Francine, “’yung linyang ‘papalit’, pero kami po kasi, lagi lang naming tina-try ‘yung best namin and everyday po, mas nage-explore po kami sa pag-arte namin.”
Dagdag pa ng young actress, ginagalingan na lang daw nila at patuloy pa rin silang nag-aaral umarte.

Sabi naman ni Kyle, “hindi ko po masasabi na kami po ang papalit. Basta ang masasabi ko po talaga, du’n po kami kumukuha ng inspirasyon.

“Sa mga sinasabi ng tao na kami ang papalit, hindi namin sinasabi sa sarili namin na kami ang papalit pero we get inspirations from those actors na talagang magaling po sila and siyempre, nirerespeto po namin sila and we are very thankful to be compared in that manner.”

Kyle, Francine umamin sa nararamdaman

May one year na rin ang loveteam ng KyCine at pareho naman silang umamin na talagang mas nagiging close sila sa araw-araw na dumadaan especially during the filming of Silly Red Shoes.

“Si Kyle po, nang ginagawa namin ang Silly Red Shoes, mas nakilala ko po siya and mas du’n po lumalim ang friendship namin and ‘yung pagkakakilala ko po sa kanya, fighter siya, hindi siya naggi-give-up, strong,” pahayag ni Francine na halatang ikinatuwa ni Kyle.

Ayon naman kay Kyle, mas lumaki pa raw ang trust niya ngayon kay Francine bilang ka-loveteam niya.

“Si Francine, pag hindi n’yo pa po kilala, sobrang mahiyain, sobrang patago pero pag kilala n’yo na po siya, she’s a really deep person, she has a lot to say, tapos kahit anon’g mangyari she always tries her best to put on a smile.

“Pag malungkot ka, malungkot din siya. At kahit malungkot ka at malungkot siya, gagawan niya ng paraan para maging masaya ka,” ani Kyle.

Ayon pa sa young actor, mas naging strong daw talaga ang bond nila habang ginagawa ang movie.

May isang kwento si Kyle na talaga namang napaka-sweet. One time raw ay may eksena si Francine na nahihirapan itong umiyak. Kahit daw wala siyang scene that day ay pumunta siya sa set para lang tulungan ang ka-loveteam.

Ang pinakamalaki namang pasabog ni Francine, kapag hindi raw niya nakikita si Kyle ay nami-miss niya ito.

“Minsan, wala po kasi siyang taping ng Kadenang Ginto, so, parang nasanay po ako nu’n na lagi kaming magka-eksena sa Silly Red Shoes, so parang nami-miss ko siya, ‘yung ganu’n po,” pag-amin ni Francine.

Ayon pa sa young actress, masaya raw siya kapag nakikita si Kyle.

Nahingan ng reaksyon dito si Kyle at sey niya, “kinikilig ako!” na halatang masaya sa narinig. Ngayon lang daw niya nalaman ito kaya hindi niya alam ang isasagot niya pero just like Francine, nilu-look forward din daw niya ang pagkikita nila.

Andrea kay Seth: Aalagaan kita

May pasabog ding kilig ang SethDrea nang magbitiw sila ng pangako sa isa’t isa sa harap ng entertainment press at iba pang naroroon sa mediacon.

Naunang magbigay ng mensahe si Andrea for Seth while facing each other.

“Congrats sa ating dalawa kasi ‘eto na ‘yung first iWant movie natin together, ito ‘yung pinaghirapan natin. Andito na siya, malapit nang mapanood ng maraming tao.

“Thank you kasi, sinuportahan mo ako, thank you sa pagki-care mo sa akin, sa pag-iintindi mo sa akin kahit minsan, tinotopak ako, kahit madalas (sabay-tawa), kasi siyempre, sa pagod. And ‘yun lang.

“Nandito ako parati para sa ‘yo, alam mo naman ‘yun, that I will always support you,” pahayag ni Andrea.

When it was Seth’s turn, nagpasalamat din ang young actor sa ka-loveteam na kahit baguhan siya ay sinuportahan siya.

“Nagpapasalamat ako kasi kahit bago ako dito, andiyan ka, tapos, ni minsan, wala akong narinig sa ‘yo na ‘ay ba’t ganu’n yan?’ Nagpapasalamat ako kasi trinato mo ako bilang tunay na kaibigan.

“Pinaramdam mo sa akin na may kaibigan ako rito. Kasi, kung tutuusin, Gold Squad lang naman talaga ‘yung naka-kaibigan ko dito, eh.

“So, salamat kasi nandiyan ka. And salamat sa mga times na may iniisip ako, andiyan ka. Isang kulit mo lang din sa akin, ‘yung atensyon ko, nawawala du’n sa iniisip ko.

“Tapos, salamat kasi nagtiwala ka sa akin, nagtiwala ka na kaibigan mo ako, nagtiwala ka sa trabaho natin. And lagi mo ring tatandaan na andito ako palagi para sa ‘yo. Maasahan mo ako. ‘Yun lang. Salamat,” mensahe naman ni Seth para kay Andrea habang magkaharap pa rin sila at nakatingin sa mga mata ng isa’t isa.

Nakakakilig din ang sinabi ni Andrea kung gaano niya nararamdaman ang pagiging concerned ni Seth sa kanya na kapag malungkot siya ay lagi siyang pinapatawa at binibigyan siya ng kanyang favorite chocolate.

Si Andrea rin ang tumatayong family ni Seth kapag nandito sa Manila dahil nasa Cavite raw ang pamilya nito at minsan lang nakakauwi dahil sa trabaho.
“Sabi ko sa kanya, ‘habang wala sila, aalagaan kita, family mo rin ako,’” sey ni Andrea.

Team Silly o Team Wild

Sa ngayon ay hindi pa alam kung alin ang unang maipalalabas sa Silly Red Shoes at Wild Little Love sa iWant streaming app. Naka-depende ito sa mga fan ng The Gold Squad dahil may botohang nagaganap sa Facebook na nagsimula noong Nob 13 at magtatapos sa Nob. 22.

Ikaw ba ay Team Silly o Team Wild? Iboto na ang pelikulang una mong gustong mapanood sa espesyal na poll sa official Facebook page ng Dreamscape Entertainment (facebook.com/DreamscapePH)

Ang Silly Red Shoes ay mula sa direksyon ni James Mayo at co-produced ng Dreamscape Entertainment at Spring Films. Tampok din dito sina Anna Luna, Karen Reyes, at Herbert Bautista.

Ang Wild Litte Love naman ay idinirihe ni Benedict Migue na co-produced ng Dreamscape Entertainment at LoneWolf Films. Kasama rin sa cast sina Carmina Villarroel, Alfred Vargas, Crisa Taa, Jin Macapagal at Victor Neri.