Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pamamaril ng pulis sa binata kinakalkal

0 38

Ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos ang masusing imbestigasyon hinggil sa naganap na pamamaril ng isang pulis sa isang binata sa Bacolor, Pampanga nitong Nobyembre 20.

Ayon kay Carlos, inatasan na niya si PRO 3 Regional Director P/BGen. Matthew Baccay na mag-imbestiga hinggil sa pamamaril ni Police Cpl. Alvin Pastorin, 33-anyos, nakatalaga bilang intelligence officer ng Pampanga Police Provincial Office, na ikinasawi ng 19-anyos na si Abelardo Vazquez Jr., residente ng Tramo, Brgy, San Vicente.

Sa ngayon, nakakulong si Pastorin sa Bacolor MPS at nahaharap sa kasong homicide.

Base sa imbestigasyon ng Bacolor MPS, sinita at pinauuwi umano ni Pastorin ang kabataan, kabilang si Vazquez Jr., na nakatambay sa isang tindahan sa dahil sa ingay ng mga ito at walang suot na face mask. Humantong umano ang paninita sa mainitang pagtatalo nina Vazquez at Baccay.

Samantala, sinabi ng kasamahan ng biktima na hindi sila lasing at napadaan lang sa tindahan kung saan umiinom ang suspek.

Doon aniya nanliligaw ang pulis sa dalagang nagbabantay ng tindahan. Nang pabirong nagsigawan ang magbarkada ng katagang “Walang forever!” ay nagalit umano ang pulis kaya pinagbabaril ang biktima. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.