Abante Tonite Interactive

Pamana pinag-awayan: 3 patay sa pamamaril ng ex-US Marine

535

Awayan kung sino ang magmamay-ari sa bahay at dalawang sasakyan ang ugat umano ng pagpatay ng isang dating US Marine sa kanyang stepson at barangay captain ng kanilang lugar matapos ang naganap na komprontasyon Huwebes nang umaga sa Talisay City, Cebu.

Kinilala ang suspek na si Dean Torrefranca na napatay din ng mga rumespondeng pulisya.

Habang ang mga biktima ay sina Lawaan III Brgy. Captain Jimmy Bartilio at Jedd Ybañez, anak sa naunang asawa ng namayapang misis ng suspek na si Delia Torrefranca.

Abante Hiring – IT dep

Ayon sa ulat ng pulisya, nagsimula ang away nina Torrefranca at Ybañez nang mamatay si Delia at nag-aagawan sa mga naiwang pag-aari nito.

Alas-nuwebe nang umaga nang mag-usap sa barangay hall ng Lawaan III sina Torrefranca at Ybañez hinggil sa pinag-aagawang ari-arian subalit hindi nagkasundo ang dalawa at naunang umalis ang suspek.

Dakong alas-11:00 nang umaga nang subukan uling kausapin ni Ybanez si Torrefanca, kasama si Bartillo. Nagtungo ito sa pinag-aawayang bahay subalit sinalubong sila ng suspek na armado ng baril habang nakasuot ng bullet proof vest.

Sinubukan pang tumakas ng mga biktima subalit hinabol sila ng suspek at pagbabarilin dahilan ng agaran nilang kamatayan.

Rumesponde naman ang pulisya makalipas ang ilang sandali habang umakyat naman ang suspek sa ikalawang palapag ng bahay at sinimulan itong sunugin habang nakikipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya.

Matapos ang halos isang oras ay saka lang tumigil ang putukan at doon nakuha ng pulisya ang bangkay ng suspek na sunog ang ilang bahagi ng katawan.

Inaalam pa kung sa bala mula sa mga pulis o sa suffocation dahil sa sunog ang ikinamatay ng suspek. (Edwin Balasa)