Abante Tonite Interactive

Pamangkin ni Lito Lapid timbog sa damo

2,815

Arestado ang di­umano’y pamangkin ng aktor at dating senador na si Lito Lapid matapos mahulihan ng aabot sa dalawang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana sa buy-bust operation na ikinasa ng pulisya sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Jose Maria Lapid y Gonzales alyas ‘Joey’, 24-anyos, residente ng De Castro Metropolis 1, Intramuros St., Barangay Sta. Lucia, Pasig City.

Kasamang nasakote rin ang tatlong barkada ni Lapid na kinilalang sina Franklin Ramos y Dukie alyas ‘Jhun’, 25-anyos, ng Midtown Village, Cainta Rizal; Zackaria Bansil alyas ‘Jack’, 21-anyos, ng Felix Subdivision, Cainta, Rizal; at Xavier Allan Raymundo y Evangelista, 30-anyos, residente ng Barangay Bagong Ilog, Pasig City.

Sa ulat na isinumite ni Sr. Supt. Rizalito Gapas, acting police chief ng Pasig, kay Eastern Police District officer-in-charge Sr. Supt. Bernabe Balba, naaresto ang mga suspek dakong alas-11:15 ng gabi kamakalawa sa Ortigas Avenue Extension kanto ng Countryside sa Barangay Sta. Lucia.

Nabatid na isang pulis ang nagpanggap na bibili ng P2,000 halaga ng marijuana kay Lapid na siyang orihinal na target ng buy-bust ope­ration pero kasama nito ang tatlo pang barkada niya kaya nang magkapalitan ng pera at marijuana ay dinakma sila ng mga awtoridad.

Lumalabas pa sa impormasyon na nakuha sa pulisya na si Jose Maria Lapid ay anak ng dating action star na si Jess Lapid Jr. pero itinanggi naman ito ng suspek pagkatapos na mahuli ng mga pulis. Magpinsan sina Jess at Lito Lapid.

Aabot sa dalawang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P80,000 at mga buto nito ang nakumpiska sa kanila. Nabawi din ang P2,000 halaga ng pera na ginamit sa buy-bust.

Ikinulong ang mga suspek sa Pasig City Police Station at iniha­handa na ang kasong isasampa laban sa kanila.