Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pamangkin ni Mayor tigok sa ‘pulis’

0 92

Patay ang babaeng pamangkin ng incumbent mayor ng Sirawai, Zamboanga del Norte matapos itong barilin sa ulo habang nagpapahinga sa bahay ng kaanak sa Barangay San Vicente ng nasabing bayan Sabado ng gabi.

Sinubukan pang isugod sa Sirawai Rural Health Unit ang biktimang si Sitti Warna Pawai Sala, 33, casual employee ng Sirawai Local Government Unit (LGU), at residente ng Barangay Sirawai Proper subalit idineklara na rin itong dead on arrival.

Sa ulat ni Police Major Shellamie Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, naganap ang insidente alas-9:05 ng gabi sa bahay ng kamag-anak nito sa Barangay San Vicente.

Nakaupo ang biktima sa isang open space ng bahay nang bigla na lang sumulpot ang suspek na naka-police uniform na armado ng kalibre .45 baril at malapitang pinaputukan sa ulo ang babae at pagkatapos ay mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo.

SM food to go Banner Ad

Napag-alaman na pamangkin ang biktima ni incumbent Sirawai Mayor Gamar Janihim at kilala itong supporter ni Aljzar Janihim, anak ng kasalukuyang mayor na tumatakbo bilang alkalde ng bayan.

Sa follow up operation ng Sirawai Municipal Police Station at 2nd Zamboanga del Norte Mobile Force Company, natagpuan nila ang motorsiklong ginamit ng suspek na si Anhar Tunggal Montong, 24, ng Barangay San Roque dahilan ng pagkaaresto nito.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 baril at ibat-ibang magazine. Ikinanta din nito ang kasamang suspek sa pagpatay na si Saiben Alipon Jakaira, na ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya.

Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpaslang. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.