Abante Tonite Interactive

Pamangkin pinatay, inilibing ng tiyuhin

By
34

Timbog ang isang 59-anyos na lalaki matapos patayin sa saksak at ilibing sa bakanteng lote ang kanyang pamangkin na nakaalitan kamakalawa sa Baybay, Leyte.

Nakapiit na ngayon sa detention cell ang suspek na si Avelino Abrio, 59, ng Sitio Kanangkaan, Barangay Maganhan, Baybay, Leyte matapos dakpin ng mga awtoridad.

Inaresto si Abrio dahil sa pananaksak at mapatay ang sariling pamangkin na si Rommel Naabas, 21, ng nabaggit ding lugar.

Napag-alaman na pagkatapos mapatay ang biktima, inilibing pa ito ng suspek sa isang bakanteng lote pero nabisto naman ng ilang residente.

Sa imbestigasyon na ipinarating kay Supt. Ramil Amodia, hepe ng Baybay Police, nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang dalawang kapitbahay nang magkapikunan tungkol umano sa napagbentahang palay.

Nagalit ang suspek at pagkatapos ng inuman ay binalikan nito ang pamangkin at saka sinaksak hanggang sa mapatay.
Inilibing ng suspek ang bangkay pero dahil may nakakita ay nabisto ito at ipinaaresto.