Abante Tonite Interactive

Pambansang Aklatan, Pandayan ng Karunungan

0 231

Tayo ay naanyaya­hang maging panauhin sa selebrasyon ng ika-132 anibersaryo ng National Library o Pambansang Aklatan ng Pilipinas nitong Lunes, Agosto 12 sa Lungsod ng Maynila.

Ang Pambansang Aklatan ay dating tinatawag na Museo-Biblioteca de Filipinas na naitatag alinsunod sa Royal Order 689 ng Ministry of Colonies ng pamahalaan ng Espanya noong ika-12 ng Agosto taong 1887.

Pinaunlakan natin ang paanyaya ng pamunuan ng National Library kung saan nakadaupang palad natin si Mayor Isko Moreno Domagoso at nagkaroon tayo ng pagkakataong makipagkumustahan sa bagong alkalde ng Maynila.

Pinangunahan din natin ang ribbon cutting ceremony ng bagong Retro-Fitted National Library na ilang dekada ring napabayaan. Sa tulong at rekomendasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay naipaayos ito ng kasalukuyang administrasyon para maging earthquake resilient kung saan atin nang napatunayan ang tatag ng bagong gawang gusali noong makaranas tayo ng pag­yanig sa Metro Manila kamakailan.

Kung inyong naaalala, noong hindi pa naaayos ang gusali ng National Library ay madalas itong ginagawa na shooting location ng mga TV shows lalo na kapag Halloween ang tema ng kanilang palabas. Pero hindi na ngayon kasi matibay at may bagong mukha na ang ating Pambansang Aklatan.

Sa naturang okasyon ay naipakita natin ang pagpapahalaga sa mga ganitong uri ng institusyon na humubog sa maraming kaisipan sa mahabang panahon.
Ang National Library ay piping saksi sa lahat ng makasaysayang pangyayari ng Maynila simula sa panahon ng mga Kastila, pagdating ng mga Amerikano sa ating bansa at ma­ging noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa lumipas na napakaraming dekada, ang Pambansang Aklatan ay naging bahagi na ng kasaysayan ng ating bansa. Milyon-milyong Pilipino ang nahubog ang karunungan mula sa pagbabasa ng mga aklat na nakalagak dito. Patuloy ang pagbibigay nito ng kamalayan sa ating mga kababayan sa tulong ng malawak nitong koleksyon ng mga libro at iba pang babasahin.

Sa aming pagbisita sa Pambansang Aklatan ay nakita natin ang mayaman na koleksyon ng libro at ang kaha­lagahan ng aklatan sa mga tao partikular sa mga mag-aaral.

Sa huli, masasabi natin na ang Pambansang Aklatan ay Pandayan ng Karunungan ng maraming Pilipino sa mahabang panahon. Huwag nating kalilimutan na maraming naging mga lider at matagumpay na tao dahil sa pagbabasa ng libro.