Abante Tonite Interactive

Pambansang dangal

By
1,309

Maliit na bagay lang ito para makasira sa relasyon ng Pilipinas at China. Ito ang pagmamalaking sinabi ni Philippine Presidential Spokesman Harry Roque matapos makuhanan ng video ang pangungulimbat ng mga kawani ng Chinese Coast Guard sa mga isdang huli ng mga Filipinong mangi­ngisda sa Scarborough Shoal sa Zambales.

Ang video ay kuha ng team ng GMA reporter na si Jun Veneracion. Ang team ni Veneracion ay sumama sa mga mangi­ngisda upang personal na matunghayan ang ginagawa ng Chinese Coast Guard na matagal nang isinusumbong ng mga mangingisdang Pinoy.

Paliwanag ni Roque, isinumbong na ng Malacañang sa Chinese Embassy ang pang-aabusong ginagawa ng Chinese Coast Guard. Una rito, napagkasunduan na umano ng China at Pilipinas na malayang makapangi­ngisda ang mga Tsino at Filipino sa Scarbo­rough Shoal. Pero luma­labas, ang huli ng mga Filipino ang animo’y kinukumpiska at ang mga huli ng mga Tsino ay hindi isinasailalim sa anumang paghihigpit. “Co-controlled ng Pilipinas at China ang Scarborough Shoal,” ika nga ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano. Kung co-controlled, bakit Coast Guard lang ng China ang andu’n at Coast Guard ng ‘Pinas ay wala. Gustuhin man, ayaw palapitin?

Ang sabi ng Pangulong Duterte, barter trade ito. Ang problema lang ay hindi nagkakaintindihan sa halaga ng palitan ng produkto. Pero mismong ang mga mangingisda ang nagsasabi na hindi ito barter kundi sapilitang pagpapataw ng kanilang kagustuhang mangumpiska, mangu­limbat ng mga huli. Ang pagbibigay ng mga paso nang produkto nila ay pakonsuwelo na lamang. Kaya puwede ba, tigilan na ng mga opisyal ng gobyerno ang pagtatanggol sa mga Tsino na ito ay barter trade dahil ang mga mismong involve sa umano’y barter ang nagsasabing hindi ganito ang nangyayari.

Asahan ninyo ang patuloy na pang-aapi sa atin ng mga Tsino, hindi lang sa West Philippine Sea kundi maging sa iba pang lugar na merong mga Tsino. Eh kung ang mga opisyal ng sarili nating pamahalaan ay ganito ang trato sa mga Filipino, you don’t expect the Chinese to treat us differently.

Pero, wala po tayong magagawa dito. Ang Pangulo ang chief architect ng ating foreign policy. Ako ay naniniwala na nahihirapan din ang Pangulo na balansehin ang ilang mga bagay kaugnay ng isyung ‘yan. Malaki na rin ang pinagbago ng ating relasyon sa China, na naging maasim noong panahon ni PNoy. Meron na raw tayong nahingi na ayuda galing sa China. Sana nga ay malaki ang pakinabang natin dito at hindi ito one sided pabor sa mga Tsino. We will just have to trust him on this. Besides, inihalal siya ng labing anim na milyong mga Filipino. Ang mga taong hindi kontento sa paghawak ng gobyerno sa isyung ito, kailangan nating maghintay ng tatlo’t kalahating taon na nalalabi sa admi­nistrasyon para ito ay mabago. ‘Yan ay kung meron pang nalalabing puwedeng isalba sa ating pambansang karangalan pagdating ng panahong iyon.