Abante Tonite Interactive

Pambansang isyu

391

Umabot na sa Korte Suprema, Senado at Kamara ang usapin sa isyung namamagitan sa mga artistang sina Bea Alonzo, Julia Barreto at Gerald Anderson. Mismong si Associate Justice Marvic Leonen, affected sa naglalagablab na isyu ng bayan. Tinalo pa nga ng tatlo ang problema ng dengue na dineklara nang national epidemic ng Department of Health.

Tanong ni Justice Leonen kina Bea at Julia, “is he really worth it?”. Hindi pa man sumasagot ang dalawa sa tanong ng mahistrado, sumabog na ang komento ng mga netizen. Ang tweet ni Justice Leonen ay ni-retweet ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon na nagsabi pang nagiging national issue ito kung mismong mahistrado ng SC ang humihirit ng clarificatory question.

Kahit na sina Senador Nancy Binay at Risa Hontiveros, nagsalita na rin sa nasabing isyu. Mistulang sinabihan niya ang dalawang da­lagang artista na hindi “worth it” si Gerald. “Gurls, he’s not worth it.” tweet ni Binay.

Kung magkokomento si Vice-President Leni Robredo o si Pangulong Rodrigo Duterte, aba’y talagang umabot na sa Malacañang ang pinakasikat na love triangle sa showbiz industry.

Kahit saang sulok ng bansa, alam ang isyu sa tatlong artista at nagiging dahilan ng kampihan. Huwag naman sanang umabot na maging paksa pa ito sa inuman. Baka umabot ito sa sakitan o kaya’y patayan, huwag naman sana.

Minsan nang nangyari ang ganitong mainit na isyu sa showbiz sa lovelife ni Comedy King Dolphy. Pero ngayon, mga millenial na ang dawit sa kontrobersya.

***

Ilang araw nang nagngingitngit sa galit ang mga mananakay dahil sa matinding trapik sa EDSA. Muli ka­sing pinairal ng MMDA ang yellow lane policy kung saan hindi maaa­ring lumabas sa yellow lane ang mga city bus.

Ang resulta tuloy, marami ang na-late sa trabaho dahil sa sobrang bagal ng takbo ng mga bus sa EDSA.

Nakadagdag sa kanilang galit na makita ang maraming pribadong sasakyan na maluwag na nakakadaan sa kalsada dahil sa ginawang pagsiksik sa mga bus sa yellow lane. Siyempre, kapag sinabing mga pribadong sasakyan ay mayayaman ang unang impresyon sa kanila, habang ang nagba-bus ay mahihirap.

Sinasabi tuloy ng iba na anti-poor ang ginagawa ng MMDA dahil ang mahihirap ang apektado sa ginagawa nilang paghihigpit sa EDSA. Hindi natin masisisi ang MMDA dahil ginagawa naman nila ang kanilang trabaho. Sadyang marami lang talaga ang sasakyan sa Metro Manila hindi katulad noong dekada 70 o 80.