Abante Tonite Interactive

Pambansang kahihiyaan

By
822

Galit at emosyonal si PDu30.

Binigyan ng 72 oras ang Department of Labor Employment para pabalikin ang lahat ng OFW sa Kuwait na gustong umuwi ng bansa.

Malaking hamon sa mga tinatawag na ‘stakeholder’ ang pahayag ni PDu30 na ‘national shame’ ang pagturing sa mga overseas Filipino worker (OFW) na ‘Bagong Bayani’ pero hindi naman kayang protektahan ng gobyerno ang mga bayaning ito.

Ayon kay PDu30 hindi na niya masikmura ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga Filipinang inaabuso ng mga Arabo.

Ang Pinay na inilagay sa ‘freezer’ ng mag-asawang Arabo ang nag-udyok sa Presidente para tuluyan nang ipagbawal ang pagpapadala ng mga Filipino lalo na ng mga Pinay sa Kuwait para mangamuhan.

***

May ‘standing order’ si PDu30 sa Department Justice na papanagutin at patawan ng pinakamabigat na parusa ang mga nasa likod ng pagkakapariwara ng mga OFW hindi lang sa Middle East kundi ganon na rin sa ibang panig ng daigdig.

Dapat unang suyurin, legal man o hindi, ang lahat ng placement agency, ito kasi ang unang pinupuntahan ng mga gustong makipagsapalaran sa ibang bansa.

Ang nagpapatakbo ng mgaplacement agencylalo na kung ‘underground’ ay ‘expose’ kung hindi man, ay bihasa sa operasyon ng ‘human trafficking’.

Sa kutsabaan ng ilang tiwaling kawani ng Bureau of Immigration, Airport police, Airline Company, POEA at recruitment agency na patong sa sindikato ng ‘human smuggling’, ang walang kamalay-malay na OFW ay paaalisin para isangla ang puri at buhay sa ibang bayan.

Ang kawawang Pinay ay ipinain para lapain ng naghihintay na lobong Arabo.

***

Isunod agad ang paghingi sa lahat ng konsulada at embahada ng Pilipinas sa mga Arabong bansa ng kompletong listahan ng mga Filipinong kanilang nasasakupan.

Mahalaga ang impormasyon na ito sa pagtunton sa mga OFW, hindi lamang sa panahon na may gulo o kalamidad sa isang patikular na lugar sa Gitnang Silangan, higit lalo sa lahat sa pagtugon sa kanilang personal na pangangailangan.

Pagalain ang mga ‘welfare at labor officer’ at tuntunin ang mga komunidad na mayroong mga Pinoy.

Tutal ‘yon naman ang kanilang misyon kung bakit sila ipinadala sa foreign posting – ang tugunan ang pangangailangan ng mga OFW.

***

Tama si PDu30 na tawaging ‘pambansang kahihiyaan’ ang bansag na Bagong Bayani sa mga OFW, kung ang magbibigay mismo sa kanila ng proteksiyon ay hindi ligtas sa kuko at galamay ng sindikato.