Abante Tonite Interactive

Pamela Ortiz sexy star noon, scriptwriter/direktor ngayon

961

Special guest ang dating sexy actress na si Pamela Ortiz sa online show namin nina Rodel Fernando at Mildred Bacud na “Showbiz Pamore Tonite” para sa Abante TONITE.

Isa na siya ngayong scriptwriter at director.

Ayon kay Pamela, kung nakilala man siyang sexy star noon, sa totoong buhay naman daw ay wholesome siya.

Abante Hiring – IT dep

“Work lang talaga ‘yung pagiging sexy star ko, sa totoong buhay ay mahinhin ako. Kaya nahirapan akong magpa-sexy. Sabi kasi sa akin ng dati kong manager na si Richard Hinola, ‘pag hindi ako nakipagsabayan sa mga nagpapa-sexy noon, hindi ako sisikat,” bulalas niya.

Kamusta naman ang pagiging scriptwriter at director?

“Mas mahirap pala ang maging director at scriptwriter, kumpara sa pagiging artista. Mas stressful dito. Kasi kailangan ‘yung utak mo, moody. ‘Pag ang gagawin mong script ay love story, dapat ay in-love ka. Kasi hindi ka makakagawa ng isang magandang love story kung depressed ka,”paliwanag ni Pam.

Ang unang script na ginawa niya ay naging entry sa short film category ng ToFarm Film Festival 2018 titled “Tagsibol.” Naging bida rito ay ang comebacking actor na si Jordan Castillo.

Nora Aunor, Aleck Bovick gustong idirek

Ang isa pang gustong idirek ni Pamela ay si Nora Aunor.

“Gusto ko siyang kunin du’n sa ‘Ina, Bakit Mo Ako Pinabayaan?’”

Si Nora raw ang siyang gaganap na nanay, at si Aleck Bovick naman ang magiging anak ng award-winning actress sa pelikula.

Nu’ng naging sexy star si Pamela ay nangarap din pala siya na magka-award, na mapansin ang akting niya. Pero, natapos ang era ng boldwagon ay hindi naman ‘yun nangyari.

“Hindi kasi ako nabibigyan ng mga challenging roles noon. Mahirap namang humingi ng, ‘Puwede po ba ganito ‘yung role ko?’ Kung ano ‘yung offer, ‘yun ang tinatanggap ko. Nu’ng nag-iisa ako, sabi ko sa sarili ko, paano akong magkaka-award, kung nagpapa-sexy lang ako, kung ganito lang ang role na binibigay sa akin. Nu’ng bumalik ako (sa showbiz), sabi ko, kailangan kong mag-shift (ng trabaho). Du’n na pumasok ‘yung pagiging scriptwriter at direktor. Baka rito ay magka-award na ako.”

Bakit nga ba siya nawala sa showbiz noon?

“Kasi ‘yung mga taga-showbiz nawawala, kapag nai-in love,” natatawang sabi niya.

“That time, pinili ko munang manahimik sa showbiz, bumuo muna ako ng sariling pamilya. Pero hindi pala lahat ng bumubuo ng pamilya, nagtatagumpay,”

Mapapanood ang buong panayam kay Pamela Ortiz sa Abante Tonite YouTube channel, Abante Tonite Facebook page.

Malaki ang natutunan kay Ricky Lee

Kahit gumagawa na ng script, minabuti pa rin ni Pamela na mag-aral ng scriptwriting sa award-winning scriptwriter na si Ricky Lee. Ano ang mga natutunan niya kay Ricky?

“Malaki ‘yung natutunan ko kay Ricky Lee. Kasi noon, basta lang ako magsusulat. Natutunan ko sa kanya, kung paano mo gugulatin ‘yung mga manonood sa script na ginawa mo, kailangang may twist. Saka kailangan daw may puso sa lahat ng gagawin mo.”