Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pamilya 1 buwan hinostage sa QC

0 285

Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), ang 16 na katao dahil sa iligal na pagkulong at pagbabanta sa isang pamilya sa loob ng mahigit na isang buwan sa Quezon City.

Kinilala ng NBI ang sinagip na sina Camille Bonifacio, live-in partner na si Mark Jason Magbanua at ang kanilang 6-anyos na anak. Nalaman sa imbestigasyon na puwersahang pinasok ng mga armadong kalalakihan noong Hulyo 10 ang DCB compound na nasa North Diversion Road sa Brgy. Unang Sigaw.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric B. Distor, ang mga inaresto na sina Arsenio Bonifacio, Amador Domingo, Noel Bernardino, Roberto Sanchez, Felixberto Rivera, Ana Marie Reyes, Jane Iris Bangahun, Rolando Ramos Jr., Sidney Catacutan, Sahid Sainduin, Jovanie Porazo, Rommel Logrono, Reginald Kosca, Garry Amante, Warren Mateo, at Emie Pastolero.

Nabatid na nakatakas si Magbanua sa compound noong Agosto 20 at nagreklamo sa NBI kasama ang mga kamag-anak ng kalive-in. Aniya hinostage sila para mapilit ang kapatid ni Camille para makipagnegosasyon magkaroon ng share sa royalty ng compound sina Domingo at Bonifacio. Sa takot na malagay sa panganib ang pamilya bumalik si Mark sa compound.

Agosto 24 nang magkasa ng operasyon ang NBI para ma-rescue ang pamilya. Bukod sa mga naaresto, nakuha pa sa lugar ang 3 pistol, 3 shotgun, 2 revolver, 4 na handheld radio, at 2 bullet vest.

Mahaharap sa kasong kidnapping and serious illegal detention at child abuse ang mga inaresto na sinasabing ang ilan ay kamag-anak din ng mga biktima.(Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.