Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pamilya ng 14 nawawalang Pinoy may tig-P1M

0 146

Tatanggap ng tig-P1 milyon ang mga kamag-anak ng 14 Pinoy na nawala mula sa sinasakyan nilang bangka matapos na makabanggaan ang isang Hong Kong cargo vessel, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral George Ursabia.

“Kahapon, nandito ang may-ari ng FV Liberty Singko para ibalita sa amin na nagkasundo na sila ng may-ari ng MV Vienna Wood na magkaroon na sila ng settlement for damages incurred,” sabi ni Ursabia sa isang virtual briefing nitong Huwebes.

Nabatid pa na tatanggap din ang may-ari ng FV Liberty Singko na Irma Fishing and Trading Corporation, ng P40 milyon mula rin sa MV Vienna Wood para sa gastos sa nasabing bangka.

Nangyari ang banggaan sa karagatan ng Occidental Mindoro noong alas-10:00 ng gabi, Hunyo 27. Tinigil ang paghahanap sa 12 crew at dalawa pang empleyado na sakay ng Pinoy fishing vessel noong Hulyo 7.

Samantala, sinampahan na ng kaso ang MV Vienna Wood at naglabas naman ng hold departure order (HDO) ang korte laban sa mga tauhan ng nasabing shipping company para matiyak na mananatili ang mga ito sa kustodiya ng Pilipinas. (SDC)

Leave A Reply

Your email address will not be published.