Abante Tonite Interactive

Pamilya ng 6 namatay na sundalo sasaklolohan

366

Personal na ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng ‘Order of Lapu Lapu’ ang anim na sundalo na napatay sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Borongan, Eastern Samar.

Sila ay pinagkalooban ng Order of Lapu-Lapu, Rank of Kalasag, posthumously sa Camp General Vicente Lukban sa Catbalogan City.

Kinilala ang mga sundalong napatay sa engkuwentro nitong Nobyembre 11 na sina Staff Sergeant Rex Jadulco, Sergeant Ronaldo Go, Sergeant Limar Banug, Corporal Junmar Buranday, Corporal Kent Lloyd Agullo, at Private First Class Charlie del Rosario.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang Pangulo sa naulila ng mga biktima kung saan nakaburol ngayon ang mga sundalo sa Camp General Vicente Lukban, Catbalogan City, Samar.

Sa report, 24 na sundalo rin ang nasugatan sa nangyaring engkuwentro sa NPA. Ginawaran din ang mga ito ni Pangulong Duterte ng Order of Lapu-Lapu, Rank of Kampilan, kung saan 16 pa sa kanila ang nakaratay sa Camp Lukban Station Hospital. (Dolly Cabreza)