Abante Tonite Interactive

Pamilya ng napatay na security aide ni Chong pinalulutang ng PNP

By
201

Hinimok ng Philippine National Police (PNP) Region 4A ang pamilya ng napatay na sina Richard Santillan, security aide ni Atty. Glen Chong at kasama nitong si Gessamyn Casing na humarap at makiisa sa gagawing imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) ng Police Regional Office (PRO) 4A.

Matatandaang sina Santillan at Casing ay napatay matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis noong madaling-araw ng Disyembre 10, 2018 sa Brgy. San Andres, Cainta, Rizal lulan ng Toyota Fortuner.

Base sa unang akusasyon ng pulisya, sangkot umano ang mga napatay sa iligal na droga at pawang mga miyembro umano ng highway gang na mariin namang pinabulaanan ni Atty. Chong at sinabing ang kanyang aide na si Santillan ay mahigit 12 taon nang nanunungkulan sa kanya at nakatakda sana siyang sunduin nito sa airport mula sa kanyang biyahe sa Naga City, Camarines Sur nang oras na maganap umano ang sinasabing shootout ng mga pulis.

Ayon kay Chief Supt. Edward Carranza, Regional Director ng Calabarzon, nagsasagawa na ng mga summary dismissal proceeding ang RIAS at maganda sana kung makasama rito ang pamilya ng dalawang napaslang na biktima.

Sa kasalukuyan ay patuloy na binubusisi ang mga testimonya at mga ebidensya at sinumang mapatuna­yang nagkasala ay sasampahan ng kasong administratibo at criminal ayon kay Carranza.