Abante Tonite Interactive

Pamilya nilambat sa droga

239

Dinampot ng mga awtoridad ang isang mag-anak sa ikinasang drug operation kamakalawa nang gabi sa Marikina City.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang mga suspek na sina Bernabe Bitonio, 41-anyos; Jennifer, 42; mga anak nitong sina Cris Jean, 21, at 16, na binatilyo pawang mga residente ng Brgy. Tumana.

Alas-10:45 nang gabi nang magsagawa ng buy-bust ang pulisya sa pamilya Bitonio na kilala umanong tulak ng ipinagbabawal na gamot. Nang makabili umano ng iligal na droga ang poseur buyer sa ginang nabatid na nagsilbi pang lookout ang mga kaanak kaya sama-sama itong dinampot.

Nakumpiska mula sa magkakaanak ang 11 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu, P500 buy-bust money at shabu paraphernalia.

Samantala, nahuli rin sa operasyon ang dalawang magkaibigan makaraang isumbong ng kapitbahay ang kanilang pot session.

Swak sa selda sina Julius Rivera, 24, at Arnulfo Gimpes, 19. Nagkaayaan umano ang dalawa na tumira ng shabu kaya nag-pot session sa bahay ng kanilang pinagbilhan sa Brgy. San Roque, Marikina City bandang 6:30, Miyerkoles nang gabi.

Nakumpiska mula sa dalawa ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu at mga shabu paraphernalia.

Pawang mga nakakulong ang mga suspek habang ang 16-anyos na binatilyo ay dinala sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development. (Vick Aquino)