Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pamilya Parojinog inipit yaman

0 65

Nag-isyu ng freeze order ang Court of Appeals (CA) sa mga ari-arian ng mga Parojinog sa Cebu City kaugnay ng patuloy na pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa yaman ng pamilya dahil sa pagkakasangkot ng kalakaran ng iligal na droga.

Nabatid na kabilang sa freeze order ay ang P5 milyong bahay ng mag-asawang Artemio at Daisy Parojinog-Salas na kapwa may arrest warrant.

Nabatid na si Daisy ay kapatid ni Reynaldo Parojinog na napatay sa police raid sa kanilang lugar sa Ozamiz City noong 2017.

Kumilos naman agad ang mga awtoridad, sa pangunguna ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva at mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) para ipatupad ang freeze order sa bahay ng mga Parojinog na nasa isang subdibisyon sa Guadalupe, Cebu.

Sinabi ni Villanueva na hindi lamang ang bahay sa naturang subdibisyon ang pinaipit ng korte dahil target ng freeze order ang marami pang mga ari-arian ng pamilya Parojinog.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Naniniwala si Villanueva na marami pang property ang pamilya sa Ozamiz, Leyte at Cebu na bahagi umano ng pagkakasangkot sa illegal drug trade.

Ibinunyag naman ni Artemio Baculi ng Anti-Drug Trafficking Division ng AMLC na mayroon aniyang pitong bank account, 12 sasakyan, at mga baril ang mag-asawang Salas na isinailalim na rin sa freeze order ng korte.

Ayon kay Baculi, milyon-milyong piso ang laman ng mga bank account at patuloy pa ang kanilang pag-iimbestiga sa pinanggalingan ng mga perang ito dahil hindi tugma sa dineklarang kinikita ng mag-asawa na nasa P20,000 kada buwan lang. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.